‘Aspin’ o ‘Asong Pinoy’ ang katawagan sa mga breed ng asong dito lamang sa Pilipinas matatagpuan. Madalas na tawaging ‘Askal,’ ang mga Aspin ay tanyag sa kanilang talino, liksi, at higit sa lahat, sa ‘loyalty’ nito sa kaniyang tagapangalaga.
Ngayong National Aspin Day, alamin ang iba’t ibang paraan kung paano sisiguraduhing ligtas at maayos na mapangalagaan ang mga alagang Aspin.
Kalusugan ng Aspin
Ang mga Aspin ay may taglay na liksi at “resilience,” kung kaya’t isa ang mga ito sa mga breed na may mababang tsansa ng madaliang pagkakasakit, namamana man o nakukuha mula sa kapaligiran.
Ngunit hindi rin naman sila naiiba sa ibang uri ng aso, na kailangan din ng regular na check-up sa mga beterinaryo, upang maagapan ang mga sakit na posibleng dumapo sa kanila.
Mahalaga ring siguraduhin ang pagpapaturok sa kanila ng mga “anti-rabies vaccines” (ARV), kasama na rin ang mga “anti-parasite medications.”
Sesyon ng grooming para kay Aspin
Hindi tulad ng ibang breed ng aso, ang mga aspin ay may katawang “low-maintenance,” kung kaya’t hindi komplikado ang pagpapaganda at pagsasaayos ng kanilang katawan.
Ang pagpapaligo sa mga aspin ay isang beses lang kada linggo, upang maiwasan ang pagdikit ng mga dumi sa balahibo nito.
Ang mga tainga ng aspin ay dapat na regular ding suriin upang maiwasan ang pagbara ng ‘ear wax,’ kasama na rin ang panganib ng mga mas maliliit na hayop na maaaring pumasok sa kanilang tainga.
Dahil malalaki rin ang mga kuko ng mga aspin, regular dapat itong pinuputulan upang maiwasan ang pag-ipon ng mga dumi.
Ehersisyo at mga pisikal na aktibidad
Ang mga aspin ay likas na maliksi at mabilis. Upang masiguro ang pisikal at mental na kahusayan ng mga ito, nararapat na sanayin silang kumilos at gumalaw.
Bigyan ang mga alagang aspin ng oras upang maglaro, magsaya, at tumakbo nang tumakbo. Sa paraang ito, maiiwasan nito ang kalungkutan at mapapaganda pa ang estado ng katawan nito.
Maaari ding samahan sila na mag-jogging o maglakad-lakad upang magkaroon kayo ng “quality time.”
Iwasan lamang din na makalabas ang aso mag-isa upang hindi makakuha ng sakit na maaaring makapagpahamak dito.
Nutrisyon at diet ng Aspin
Mahalagang alamin kung ano bang mga pagkain ang puwede at hindi puwedeng kainin ng alagang aspin. Siguraduhin ding nakaiinom ang mga ito ng bitamina upang masiguro ang maayos nitong kalusugan, at maiwasan ang mga nakaambang sakit dito.
Sapat din dapat ang serving upang hindi kulang o sobra ang makain nitong pagkain sa kada araw.
Siguraduhing “hydrated” ng malinis at ligtas na tubig ang aspin upang maiwasan ang mga sakit na puwedeng dumapo rito.
Huwag hayaang kumuha ng mga tira-tirang pagkain ang alagang aspin, lalo na kung sa kalye niya ito makukuha. Maaaring may dalang kapahamakan ang mga pagkaing naiiwan sa kalsada sapagkat ito ay madalas na pamugaran ng mga insekto.
Espesyal ang araw na ito para sa mga aspin, sapagkat inaalala at kinilala ngayon ang dala nilang saya sa buhay ng bawat isa.
Ngunit pakatandaang mahalin ang mga alagang aspin, hindi lamang ngayong Agosto 18, bagkus araw-araw iparamdam sa kanila na sila ay parte ng pamilya.
Pause muna at i-treat mo ngayong National Aspin Day ang iyong alaga!
Vincent Gutierrez/BALITA