December 18, 2025

Home FEATURES Kahayupan (Pets)

'Black Cats Matter!' Mga suwerteng dala ng itim na pusa

'Black Cats Matter!' Mga suwerteng dala ng itim na pusa
Photo courtesy: Pexels

Sa modernong panahon ngayon, marami pa rin ang naniniwalang ang mga pusang itim ay may dalang kamalasan, ngunit kabaligtaran ito ng ilang mga pamahiin at kulturang may dala umano itong suwerte sa tao.

Ano nga ba ang pinagmulan ng mga paniniwalang ito?

Pusang itim, nagdadala ng kamalasan

Noong panahon ng Middle Ages, ang mga itim na pusa ay inihahalintulad sa pangungulam at itim na mahika. Dati rin ay iniugnay umano ang mga pusa sa mga satanikong pigura na nagdulot ng poot ng mga tao sa mga nilalang na ito.

Kahayupan (Pets)

Alagang pusa, nategi dahil sa maling pagkakaunawa sa ‘pampatulog’

Ang mga pusang itim din daw ay mga hayop na dala ng mga pirata, na ginamit ng mga ito upang ubusin ang mga daga sa kanilang barko. Kung ang mga tao malapit sa laot at daungan ay makakikita ng mga pusa, tiyak isa itong senyales na may pirata, na para sa kanila ay kamalasan.

Sa bansang Tsina naman, konektado sa kawalan ng pagkain at pagkagutom ang simbolo ng itim na pusa. Ang Espanya, Italya, at Estados Unidos ay may matitibay na paniniwala sa pagkondena sa mga pusang itim. Ayon sa mga bansang ito, hindi kalugod-lugod na mga nilalang ang mga itim na pusa.

Pusang itim na nagbibigay suwerte sa mga tao

Kabaligtaran ng sinaunang paniniwala at pamahiin, ang mga pusang itim umano ay may dalang suwerte sa iilan.

Sa Inglatera, Alemanya, at Japan, ang mga pusang itim ay katuwa-tuwang mga nilalang, sapagkat naniniwala silang ang mga ito ay may dalang tunay na anting-anting na nagdudulot ng sangkatutak na suwerte sa buhay ng tao.

Sa bansang Scotland, kaginhawaan at kaalwanan sa buhay ang hatid ng mga pusang itim.

Sa Latvia naman, ang kasunod ng pagluwal ng isang itim na pusa ay ang pagsibol ng anihan at pagkakaroon ng masaganang produkyon ng palay, prutas, at iba pa.

Sa mga pumapalaot namang mga mangingisda, ang mga pusang itim ay naghahatid ng proteksyon upang ligtas na mabaybay ang malawak na dagat o karagatang nais tawirin.

Ano man ang pinaniniwalaang konsepto ng isang tao sa kulay ng pusa, hindi matatawaran na ang mga pusa sa pangkalahatan ay mga hayop na nagdadala ng kulay at saya sa buhay ng tao.

Ngayong araw, Agosto 17, ipinagdiriwang ang Black Cat Appreciation Day.

Kalimutan muna ang masasamang paniniwala, at igunita ang pagpapahalaga sa itim na mga kaibigan.

Vincent Gutierrez/BALITA