December 14, 2025

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Pagdiriwang ng Buwan ng Wika, may halaga pa rin ba?

#BalitaExclusives: Pagdiriwang ng Buwan ng Wika, may halaga pa rin ba?
Photo Courtesy: NCCA (FB)

Komplikado at nasa kritikal ang kalagayan ng mga wika sa Pilipinas. Humaharap ang mga ito sa iba’t ibang isyu at suliranin.

Kung pagbabatayan ang tala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), tinatayang nasa 40 wika ang nasa bingit ng pagkawala, na marahil ay lalo pang madadagdagan ngayong ipinapatupad na ang Republic Act 12027 o Enhanced Basic Education Act of 2013. 

Iminamandato kasi ng naturang batas na ihinto ang paggamit ng mother tongue bilang wikang panturo mula Kindergarten hanggang Grade 3.

KAUGNAY NA BALITA: Tanggol Unang Wika, nagpetisyon sa Korte Suprema para ipawalang-bisa ang R.A. 12027

Human-Interest

Ambagan nauwi sa Jombagan: Lalaki, binugbog dahil hindi nag-ambag sa Christmas party?

MAKI-BALITA: Tanggol Wika, tinutulan pagpapatigil sa mother tongue bilang wikang panturo

Maging ang wikang Filipino na siyang kinikilalang wikang pambansa ay tila patuloy na winawalang-halaga sa mga paaralan at pamantasan na dapat sana ay lumilinang dito. 

Matatandaang higit isang dekada na ang nakalipas nang lusawin sa kolehiyo ang Filipino at Pantikan sa bisa ng Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order No. 20, Series of 2013.

Bagama’t nag-isyu ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) para sa nasabing memorandum, inalis din naman ito kalaunan at tuluyang ipinaubaya sa administrador ng mga pamantasan ang kapalaran ng Filipino at Panitikan.

Tila hindi pa nakontento ang mga nasa posisyon matapos ito. Dahil noong Oktubre 2024, umugong ang bulung-bulungan na binabalak umanong baklasin ang Filipino bilang asignatura sa antas ng senior high school.

KAUGNAY NA BALITA: Asignaturang Filipino sa SHS binabalak alisin, bawasan?

Nakadagdag pang lalo umano sa komplikasyong ito ang pagkahirang kamakailan kay Atty. Marites Barrios-Taran bilang bagong tagapangulo ng KWF. 

Sa isang Facebook post ng manunulat at S.E.A. Write Awardee na si Jerry Gracio, kinuwestiyon niya ang kwalipikasyon ni Taran.

Aniya, “[S]ino siya??? Tatlong question mark talaga dahil ano kontribusyon nitong si Marites Barrios-Taran sa language at scholarship? Pupusta ako, walang respetadong iskolar o manunulat na nakakakilala sa kanya.” 

KAUGNAY NA BALITA: Walang ambag sa wika? Jerry Gracio kinuwestiyon bagong komisyoner, tagapangulo ng KWF

Hindi na tuloy naiwasan pang maghimutok ng mga tulad ni Sir Ronnel Agoncillo, Jr., sampung taon nang nagtuturo ng Filipino sa basic education at ngayon ay nasa Caloocan National Science and Technology High School. 

Ayon sa Facebook post ni Sir Ronnel noong Agosto 7, kada taon ay pahirap na umano nang pahirap ang pagtuturo sa Filipino.

“Kasi,” paliwanag niya, “habang todo effort kami sa pangungumbinsi sa mga batang mahalaga ang wika at panitikang Filipino, sobrang taliwas naman ang nakikita nilang nangyayari at trato ng lipunan sa larangang ito.” 

“Ang labas tuloy ay para kaming mga sinungaling o baliw na naniniwala't nanghihikayat pa na mahalaga ang Filipino, pero lagi namang binubusabos ng gobyerno,” pagpapatuloy niya.

Dagdag pa ni Sir Ronnel, “Tapos ngayon, naglagay kayo ng komisyoner sa KWF na walang ambag sa wika. Inassign niyong komisyoner sa Tagalog, pero hindi naman siya Tagalog. Ano yun, lokohan?”

Ngunit ayon sa tugon ni KWF Full-time Commissioner Benjamin Mendillo, Jr. kay Gracio, may “unblemished track record” umano si Taran sa pagpapaintelektuwalisa ng wika at dati na rin itong Direktor- Heneral ng KWF. 

KAUGNAY NA BALITA: Mendillo kay Gracio: ‘Bakit nanahimik siya nang kitilin ni Casanova ang MTB-MLE?’

Sa eksklusibong panayam ng Balita, naitanong kay Sir Ronnel kung may halaga pa ba ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa samantalang kung pagbabasehan ang mga kaugnay na balitang binanggit ay parang binabalewala na ito makalipas ang Agosto.

“Napakalaki ng silbi ng Buwan ng Wika at ang pagdiriwang nito taon-taon,” sabi ni Sir Ronnel. “Ito ay daluyan natin upang maipagdiwang ito at maipakita hindi lang sa akademya kundi sa buong bansa na ang tanging paraan kung nais nating umunlad ay ang pag-iintelektuwalisa ng wikang Filipino sa iba’t ibang larangan.”

Dagdag pa niya, “Maganda sanang paalala ‘yong Buwan ng Wika na ito ay hindi lang basta usapin ng asignatura sa Filipino, sa loob ng paaraln, o isang wika na dapat nating gamitin, bagkus isang buong larangan na dapat nating paunlarin.”

Kaya naman bilang guro sa Filipino, tinitiyak ni Sir Ronnel na hindi lang tuwing Agosto mapapahalagahan ng kaniyang mga estudyante ang wikang Filipino.

Ayon sa kaniya, “Ang mga guro sa asignaturang Filipino ay masisikhay. Ibig sabihin, gumagawa at gumagawa ng paraan upang ang kabataan ay muling umibig sa larangan o asignaturang Filipino. “

“Siyempre,” pagpapatuloy ni Sir Ronnel, “isang magandang pambukas ng kanilang pag-ibig ay ‘yong pagpapakilala sa kanila sa mga klasiko at makabagong akdang pampanitikan; muling pagpapaalala sa kanila ng kahalagahan sa gramatika.”

“At sa pangkalahatan ay pagbubukas sa kanila ng isang napakalaking mundo na puwede pang pag-usapan bukod sa wika at panitikan,” dugtong pa niya. “Lagi nating pinapaalala sa mga bata na ang asignaturang Filipino ay hindi lang tungkol sa wika at pantikan. Tungkol ito sa ating lahat bilang Pilipino.”

Ayon kay Sir Ronnel, ilan umano sa mga nakikita niyang solusyon sa suliraning ito ng Filipino at ng iba pang wika sa Pilipinas ay ang maigting na pagtuturo nito sa elementary, high school, at kolehiyo. Gayundin ang paggamit sa mother tongue bilang wikang panturo mula Kinder hanggang Grade 3.

Kasama na rin dito pagbibigay ng sapat na pondo para sa sektor ng edukasyon upang magkaroon ng nakabubuhay na sweldo ang mga guro at maayos na pasilidad at kagamitan naman para sa mga estudyante.

Ngunit ayon kay Sir Ronnel, magiging posible lang umano ang lahat ng ito kung pakikinggan ng pamahalaan ang mga katulad niyang nagtuturo sa lebel ng batayang edukasyon.

Kaya panawagan niya, pakinggan ang kanilang mga sentimyento na mahalaga ang asignaturang Filipino sa pagbubuo ng isang makabayang Pilipino. 

“Sana pakinggan kami kapag sinabi namin—mula sa aming danas at mga namasid—na mahalaga ang asignaturang Filipino sa pagbubuo ng isang makabayang Pilipino. [...] Makinig sa mga mungkahi na kailangan talaga tayong gumawa ng drastic, malalaking hakbang upang mapaunlad, maisulong natin [ang Filipino],” aniya.