Pinalitan ni Sen. Kiko Pangilinan si Sen. Robin Padilla bilang chairperson ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes nitong Martes, Agosto 12.
Sa isinagawang plenary session sa Senado, aprubado ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang mosyon na inihain ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito sa plenaryo para italaga si Pangilinan, matapos na walang senador ang tumutol sa naturang panukala.
Si Pangilinan, na isang abogado, ay dati nang namuno sa komite ng Senado na tumatalakay sa lahat ng usapin hinggil sa mga panukalang amyenda sa Konstitusyon ng Pilipinas at sa rebisyon ng mga umiiral na batas.
Malugod namang tinanggap ni Pangilinan ang komite kaugnay sa pag-amyenda ng batas.
"CHALLENGE ACCEPTED," mababasa sa Facebook post ni Pangilinan.
"Opisyal nating tinanggap ang hamon na pamunuan ang Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes. Nagpapasalamat tayo sa tiwalang ibinigay ng ating mga kapwa senador."
"I accept this responsibility with humility and a firm resolve to safeguard the democratic ideals enshrined in our Constitution. We will uphold democratic principles and guarantee a consultative and transparent process in any proposed changes to our Constitution."
"The Constitution belongs to the people, and any move to change it must be anchored on their aspirations and welfare. It must also undergo a thorough, principled, and participatory process," aniya pa.
Matatandaang naunang naibigay ang nabanggit na posisyon kay Padilla.
KAUGNAY NA BALITA: Senate committee chairmanship, inilabas na!
Noong Lunes, Agosto 11, iminungkahi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang posibilidad na pagsuko ni Padilla sa pamumuno ng nabanggit na komite, at pagbibigay rito kay Pangilinan.
Sang-ayon kay Villanueva, ang pagiging abogado ay isa sa mga konsiderasyong isinasaalang-alang sa pagpili kung sino ang dapat mamuno sa naturang komite.
Samantala, tila maluwag naman sa dibdib ni Padilla ang pagkakaalis sa kaniya ng komite, matapos i-share ang naginga Facebook post ni Pangilinan tungkol sa pagtanggap niya sa hamon.