December 14, 2025

Home BALITA National

Bagong hirang na tagapangulo ng KWF, iingatan posisyong ibinigay ni PBBM

Bagong hirang na tagapangulo ng KWF, iingatan posisyong ibinigay ni PBBM
Photo Courtesy: KWF (FB)

Nagbigay ng mensahe ang bagong luklok na tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na si Atty. Marites Barrios-Taran kaugnay sa pagkahirang niya sa nasabing posisyon.

Sa isinagawang flag ceremony noong Lunes, Agosto 11, sinabi ni Taran na naging pamilyar na umano siya sa sistema at proseso ng Komisyon mula sa pangangasiwa hanggang sa mga talakayan tulad ng pagbalangkas sa mga polisiyang pangwika.

Matataandaang bago naging tagapangulo ay nagsilbi muna si Taran bilang direktor-heneral ng KWF.

“Tumibay at tumimo sa akin ang mandato ng Komisyon sa pagsusulong ng ating adbokasiyang pangwika,” saad ni Taran. “Ang pagkahirang sa akin ay isang pribilehiyo na aking pakaiingatan.”

National

Sen. Robin, 'di na trip tumakbo sa Halalan 2028

Dagdag pa niya, “Ito ay may kaakibat na sagradong obligasyon na balak kong tuparin ng buong husay at lakas.”

Kaya naman hindi umano sasayangin ni Taran ang tiwalang ibinigay sa kaniya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bilang bagong tagapunglo ng KWF.

Kasabay nito, hiningi niya ang pagkakaisa ng bawat indibidwal upang maipatupad ang mandato ng Komisyon. 

Kamakailan lang ay umani ng kaliwa’t kanang batikos si Taran dahil hindi umano siya kwalipikado na umupo bilang tagapangulo ng KWF.

MAKI-BALITA: Walang ambag sa wika? Jerry Gracio kinuwestiyon bagong komisyoner, tagapangulo ng KWF

“[S]ino siya??? Tatlong question mark talaga dahil ano kontribusyon nitong si Marites Barrios-Taran sa language at scholarship? Pupusta ako, walang respetadong iskolar o manunulat na nakakakilala sa kanya,” saad ni S.E.A Write Awardee Jerry Gracio sa kaniyang Facebook post.

Maging si National Artist for Literature Virgilo Almario—na dati ring tagapangulo ng KWF—ay nanawagang bawiin muna ang katungkulan ni Taran.

MAKI-BALITA: National Artist Virgilio Almario, pinababawi pagkakatalaga sa bagong tagapangulo ng KWF