Bagama't posibleng maging malakas na bagyo, walang magiging direktang epekto ang severe tropical storm 'Gorio' sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Agosto 11.
Ayon sa PAGASA, as of 11:00 AM, huling namataan ang bagyo sa layong 1,170 kilometers East of Extreme Northern Luzon.
May taglay na lakas ng hangin ang bagyo na 110 kph at pagbugsong 135 kph. Mabilis din ang galaw nito pa-westward na 25 kph.
Iginiit din ng weather bureau na bagama't walang direktang epekto ang bagyo, hindi anila inaalis ang posibilidad na makaapekto ito sa extreme northern Luzon, partikular sa Batanes, sakaling gumalaw pa-timog ang bagyo.
Samantala, maalinsangang panahon pa rin ang inaasahan sa malaking bahagi ng bansa bunsod ng bagyong Gorio, ngunit makararanas pa rin ng mahihina at kalat-kalat na pag-ulan na dulot ng localized thunderstorms na tatagal ng 30 minuto hanggang isang oras.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo sa Miyerkules ng gabi.