Ibinahagi ng shoe designer na si Jojo Bragais ang kaniyang ambisyon para sa shoe industry ng bansa sa kaniyang panayam kay ABS-CBN broadcast journalist Karen Davila noong Sabado, Agosto 9.
Sa programang “DTI: Asenso Pilipino,” ikinuwento ni Bragais ang istorya sa likod ng kaniyang brand, mga natutunan sa pagtatayo nito, at mga adhikain bilang kilala na ngayong shoe designer sa loob at labas ng bansa.
“I wanted to return back doon sa history na sinasabi nila that the Philippines is the best pagdating sa shoe making industry,” panimula nito.
“There should be an organization sa shoe making industry that will standardize everything,” saad nito bilang halimbawa tungkol sa shoe sizing standard ng bansa na ayon sa designer, hindi pa niya nakikita rito, at naniniwala siyang kailangang ayusin.
Idinagdag din ni Bragais na nais niyang aralin at suportahan kung paano mapapamura ang mga bagay-bagay sa industriya tulad ng mga materyales sa paggawa ng sapatos.
Bagama’t sa ngayon ay mas mataas ang presyo ng kaniyang brand kumpara sa iba, pinuri naman ni Davila ang patuloy na pagtangkilik ng karamihan rito dahil sa kalidad at reputasyon na nabuo sa likod nito.
“Ako naman po naniniwala ako that shoes is an investment. If it could last you how many years, that is a good investment,” pahayag nito sa tungkol sa kung ano ang kaniyang pananaw sa paggawa at pagbili ng kalidad na sapatos.
Si Jojo Bragais ay kilala sa kaniyang mataas na kalidad ng pageant shoes kung saan hindi lamang ito stylish ngunit komportable rin sa paa.
Ayon sa kaniyang website, taong 2013 nang nadesisyon itong magpatuloy sa industriya nang taos-pusong nagpasalamat ang isang kliyente para sa anak nitong made-to-order shoes.
Matapos ang ilang mga buwan at taon, nagsimulang makilala sa lokal at international na beauty pageant organization ang angking talento ni Brigais, kung kaya’t sa ngayon, siya ang kauna-unahang Pinoy shoe designer na nakaabot sa pag-sponsor ng 69th Miss Universe pageant at iba pang malalaking liga ng pageant industry.
Sean Antonio/BALITA