Inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na maaari na raw matapos ang ebalwasyon ng mga kaso laban sa negosyanteng si Atong Ang dahil na rin sa mga pahayag ng whistleblower sa kaso.
Sa panayam ng media kay Remulla noong Biyernes, Agosto 8, 2025, iginiit niyang matibay umano ang kaso laban kay Ang batay na rin sa mga pahayag ng whistleblower na si Julie Patidongan at kaniyang kapatid na si “alyas Jose.”
"Based on the two, matibay-tibay na yung kaso," saad ni Remulla.
Matatandaang si Atong Ang ang itinuturong pinaka-mastermind sa pagpatay at pagdukot umano sa mga nawawalang sabungero, apat na taon na ang nakalipas.
KAUGNAY NA BALITA: 'Sooner or later!' Atong Ang, Gretchen Barretto, posibleng masampahan ng kaso—DOJ
Matapos ang paglantad ni Patidongan at mga pahayag laban kay Ang at umano'y totoong nangyari sa mga biktima, tuluyang nagsampa ng kaso ang mga kaanak ng biktima noong Agosto 1.
KAUGNAY NA BALITA: 34 nawawalang sabungero, ilang drug lords, itinumba at inilibing sa Taal Lake
Samantala, iginiit din ni Remulla na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa mga awtoridad na maaaring makatulong daw sa kanila sa pagpapalawig pa ng kanilang imbestigasyon.
"This is a group effort. Hindi naman 'to inaano na isa lang ang may alam. Mabuti na yung marami tayong available specialized people na makakatulong sa atin, especially in the future for the purposes of criminal justice," anang DOJ secretary.