December 13, 2025

Home FEATURES Lifehacks

ALAMIN: Paano iingatan at pangangalagaan ang baga?

ALAMIN: Paano iingatan at pangangalagaan ang baga?
Photo courtesy: Unsplash

Ang baga ay isa sa mga importanteng parte ng katawan dahil sinisigurado nito ang maayos na pagpasok at paglabas ng hangin sa bawat paghinga.

Sa Proclamation No. 1761 ng 1978, binibigyang pagkilala ang buwan ng Agosto bilang National Lung Month para itaas ang kamalayan ng publiko sa mga sakit at kondisyon na banta sa kalusugang pang-baga tulad ng pneumonia at tuberculosis.

Sa temang “Healthy Lungs, Healthy Pilipinas: TB ay Labanan, Buhay ay Ingatan,” ng Department of Health (DOH) sa taong 2025, hinihikayat ang bawat Pilipino na umiwas sa paninigarilyo at magkaroon ng active lifestyle.

Dahi dito, ano ba ang ilan sa mga kadalasang sakit sa baga sa bansa at paano mapangangalagaan ng baga laban sa mga ito?

Lifehacks

‘Kaka-selpon mo ‘yan!’ ALAMIN: Maililigtas ka ba ng phone mo sa lindol?

1. Pneumonia

Ayon sa Johns Hopkins Medicine, ang pneumonia ay impeksyon na dala ng bacteria, virus, o fungi kung saan ang baga ay napupuno ng tubig o nana.

Sa kaparehas na pag-aaral, may mahigit 30 na sanhi ng pneumonia, at ito’y naka-grupo sa mga iba’t ibang kategorya:

- Bacterial pneumonia

Sa klaseng ito ng pneumonia, kadalasang humihina ang katawan dahil ang bacteria ay nakapasok na sa baga.

Apektado nito ang kahit na anong edad, ngunit nasa mas mataas na panganib ang mga umiinom ng alak, naninigarilyo, o mahinang katawan dala ng surgery, iba pang sakit sa respiratory system o viral infection dito.

- Viral pneumonia

Ayon sa American Lung Association, ang viral pneumonia ay mula sa impeksyong dala ng mga respiratory virus tulad ng influenza virus, SARS-COV-2, human metapneumovirus (HMPV), at respiratory syncytial virus (RSV).

Ang viral pneumonia ay kadalasang mas madaling gamutin kaysa bacterial pneumonia.

- Fungal Infection

Ito ay ang hindi pangkaraniwang klase ng pneumonia kumpara sa bacterial at viral pneumonia, at kadalasa’y mas nakikita sa mga taong may chronic health conditions o matatagal nang may sakit o mahinang immune system.

Mataas din ang panganib na magkaroon ng fungal infection ang mga taong may exposure sa malalaking dose ng fungi mula sa kontaminadong lupa o sa dumi ng mga ibon.

Ayon din sa American Lung Association at Medical News Today, depende sa klase ng pneumonia, maaari itong maipasa sa iba sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahing, o pagsasalita.

Kung kaya’t mahalaga na ang madalas na paghuhugas ng kamay ay inirerekomenda ng mga eksperto para maiwasan ang transmission lalo na kapag panahon ng taglamig o tag-ulan.

Kasama rin sa pag-iingat ang taon-taong pagpapabakuna, pag-iwas o pag-quit sa paninigarilyo, at pag-iwas sa paglabas kung may sakit tulad ng lagnat para hindi makahawa sa iba.

2. Tuberculosis

Ang tuberculosis (TB) ay isang airborne disease na mula sa bacterium na Mycobacterium tuberculosis, kung saan, naaapektuhan nito hindi lang ang baga kung hindi pati na rin ang utak, lymph nodes, bato, mga buto at kasukasuan, ayon sa Communicable Diseases Agency (CDA).

Katulad ng pneumonia, may iba’t ibang klase rin ito, at mga pinakakilala ay ang latent TB o inactive at active TB.

Sa latent o inactive TB, walang sintomas ang nakikita at hindi ito napapasa sa iba, ngunit mahalagang tandaan na maaari pa rin itong ma-trigger maging active kapag humina ang immune system.

Ang Active TB naman ay ang klase na madalas nakahahawa at nakamamatay kung hindi magagamot at maagapan nang maayos.

Dahil ito ay airborne, ang TB ay maaaring makuha sa close contact sa mga taong mayroon nito, ngunit mahalaga ring tandaan na hindi ito nakukuha sa pagkikipagkamay sa iba, paghawak sa mga punda ng kama o unan, at toilet seats.

3. Asthma o Hika

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang asthma ay isang noncommunicable disease (NCD), kung saan, namamaga at numinipis ang daanan ng hangin sa baga na nagiging dahilan ng pagsakit ng dibdib at paninikip ng hininga.

Kadalasan, ang asthma ay hereditary o namamana sa ibang miyembro ng pamilya tulad ng magulang o kapatid.

Madalas din na magkaroon nito ang mga taong may existing allergic conditions tulad ng eczema at rhinitis (hay fever), o exposure sa iba’t ibang allergens tulad ng polusyon sa hangin, alikabok, mga kemikal, at usok.

Kasama na rin dito ang mga bata at adults na overweight o obese.

Sa kasalukuyan, habang wala pang siguradong solusyon para sa pagpapagaling ng asthma, mayroon namang ilan na gamot at treatment dito.

Ang ilan dito ay ang inhalers na may dalawang klase, ang isa ay ang bronchodilators tulad ng salbutamol at steroids tulad ng beclometasone.

Binubuksan ng bronchodilators ang daanan ng hangin para pagaangin ang paghinga.

Habang ang steroids naman ay tumutulong na bawasan ang pamamaga sa daanan ng hangin para mapababa ang panganib ng malalang asthma attacks at pagkamatay dahil dito.

Dahil isa ang lung health sa problemang pangkalusugan na patuloy na kinahaharap ng bansa, patuloy na nagbibigay abiso ang mga organisasyong pangkalusugan sa importansya ng regular check up, bakuna, at pag-iwas sa unhealthy lifestyle tulad ng paninigarilyo at labis na exposure sa polusyon.

At bilang responsableng mamamayan at indibidwal, mahalaga na isaalang-alang ang kalusugan ng baga para maprotektahan ang sarili at ang iba mula sa pagkalat ng sakit.

Sean Antonio/BALITA