Pinalagan ng manunulat at S.E.A Write Awardee na si Jerry Gracio ang hamon ni Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Full-time Commissioner Benjamin Mendillo, Jr. na sagutin ang dalawang tanong na inilapag nito.
Matatandaang sa mensaheng ipinadala ni Mendillo sa Balita ay kinuwestiyon niya ang pananahimik ni Gracio sa isyu ng mga manggagawang ipinatanggal umano ng dating tagapangulo ng KWF na si Dr. Arthur Casanova at sa pagkitil nito sa Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE).
Sabi ni Mendillo, “[I]paglaban niya ang mga manggagawang bingi na pinatanggal ni Casanova dahil advocate siya ng karapatan ng manggagawa. Nasaan siya noong pinatanggal sila? Nang hindi sila pinasahod ni Casanova ng 3 buwan? Bakit nanahimik siya nang kitilin ni Casanova ang MTB-MLE?”
“‘Yang dalawang tanong na ’yan ang dapat niyang tanungin at hindi ang kalipikasyon ng bagong Tagapangulo na may unblemished track record sa pagpapaintelektuwalisa ng wika na dating Direktor Heneral ng KWF,” dugtong pa niya.
MAKI-BALITA: Mendillo kay Gracio: ‘Bakit nanahimik siya nang kitilin ni Casanova ang MTB-MLE?’
Ngunit ayon kay Gracio, hindi raw niya alam ang tungkol sa mga manggagawang pinatalsik umano ni Casanova dahil 2020 pa lang ay nagbitiw na siya bilang komisyoner.
“Kung nalaman ko, kukudaan ko at aawayin si Casanova. Ikaw ang fulltime Komisyoner, kaya ibalik ko sa iyo ang tanong: ano ang ginawa mo?” saad ni Gracio.
Bukod dito, sinabi rin ni Gracio na tumutol umano siya nang lusawin ni Casanova ang MTB-MLE taliwas sa ipinapalabas ni Mendillo na siya ay nanahimik.
Aniya, “[T]umutol ako, ipinaabot ko ang pagtutol sa mga kinauukulan. Ikaw ang fulltime na komisyoner kaya ibalik ko sa iyo ang tanong: ano ang ginawa mo?”
Matatandaang nag-ugat ang sagutan ng dalawa matapos kuwestiyonin ni Gracio ang paghirang kay Atty. Marites Barrios-Taran bilang bagong tagapangulo ng KWF.
MAKI-BALITA: Walang ambag sa wika? Jerry Gracio kinuwestiyon bagong komisyoner, tagapangulo ng KWF