December 13, 2025

Home BALITA Metro

'Lowbat Boy' ng Maynila, nakatikim ng pitik-tenga kay Yorme Isko

'Lowbat Boy' ng Maynila, nakatikim ng pitik-tenga kay Yorme Isko
Photo courtesy: Isko Moreno Domagoso (FB)

Dinala sa munisipyo ng Maynila ang lalaking tinaguriang "Lowbat Sidecar Boy" matapos mag-viral sa social media ang kaniyang ginawa—ang pagbabara sa daan gamit ang kaniyang sidecar sa Quezon St. papuntang Herbosa, Tondo, na nagdulot ng matinding trapiko sa lugar.

Mabilis na inaksyunan ng Manila Police District ang insidente matapos makarating sa kaalaman ng pamahalaang lungsod ang naturang post.

Sa Facebook page ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso, ibinahagi niya ang update sa insidente, kalakip ang mensahe ng babala sa mga pasaway sa lungsod.

Makikita naman sa mga kalakip na larawan ang pagpitik ni Yorme sa tenga ng nabanggit na lalaki.

Metro

Misis, sinaksak ng mister sa leeg

Ipinagdiinan din ng alkalde na may "gobyerno" na sa Maynila at hindi na raw uubra sa kaniya ang mga "siga-siga."

"Uulitin ko: May gobyerno na po sa Maynila! Hindi na pwede ’yung siga-siga at perwisyong ginagawa sa kalsada," anang Yorme.

"Ngayon pitik lang muna sa tenga. Sa susunod na lumabag kayo sa mabigat na batas talagang may kakalagyan kayo!"

Ang "Lowbat" Boy ay tinawag sa kaniya matapos makuhanan sa video na tila hindi alintana ang matinding trapik na dulot ng kaniyang sidecar. Sa post na kumalat sa Facebook, kitang-kita ang pagkabalam ng mga motorista at commuters sa naturang lugar.

Nagpasalamat rin si Mayor Isko sa mga netizen na patuloy na nagbabantay at nagre-report ng mga insidente sa lungsod.

"Sa ating mga netizen, maraming salamat po sa inyong pagtulong! Tuloy-tuloy lang po ang pag-tag sa ating pamahalaang lungsod, at agad naming tinutugunan ’yan," anong Domagoso.

Ang insidenteng ito ay paalala raw ng lokal na pamahalaan na seryoso silang ipatupad ang kaayusan at disiplina sa Maynila, lalo na sa mga pampublikong lansangan.