Pinagtibay na ng Kamara ang House Resolution (HR) No. 94 na naglalayong gawing institusyonal ang pakikilahok ng mga civil society organization bilang opisyal na non-voting observers sa deliberation ng budget ng Committee on Appropriations.
Kaya naman sa pahayag na inilabas ni Romualdez nitong Miyerkules, Agosto 6, sinabi niyang mas malakas na umano ang boses ng mamamayan sa deliberasyon ng 2026 national budget.
“Siguradong mas malakas ang boses ng taumbayan sa deliberasyon ngayon ng 2026 national budget para sa mas transparent na proseso,” saad ni Romualdez.
Nauna nang inihayag ni Romualdez kamakailan ang suporta niya sa panukalang isapubliko ang bicameral conference para sa deliberasyon ng national budget sa susunod na taon.
Matatandaang inulan ng kontrobersiya ang nakaraang bicam committee report matapos umugong ang mga alegasyong dagdag na budget na isiningit umano nina Romualdez para sa 2025.
MAKI-BALITA: Pagsasapubliko ng bicam conference, para sa tiwala ng taumbayan—Romualdez
Samantala, ipaparanas naman umano ni Senador Win Gatchalian ang “golden age of transparency and accountability” sa ilalim ng kaniyang panunungkulan bilang bagong talagang chairperson ng Senate Committee on Finance.
Anang senador, “Ngayon, malaki ang clamor for transparency. So, direksyon din namin—ang tawag namin internally—we will undergo or experience a golden age of transparency and accountability.”
MAKI-BALITA: Sen. Gatchalian ipaparanas ang 'golden age of transparency, accountability'