Naglunsad ng kampanya laban sa Human Immunodeficiency Virus (HIV) ang Department of Health (DOH) sa iba’t ibang opisina sa Alabang, Muntinlupa noong Linggo, Agosto 3, para magbigay-kaalaman tungkol sa HIV at kung ano ang maaaring gawin sakaling magpositibo rito.
Sa kampanyang ito, itinuro ng DOH sa mga Business Process Outsourcing (BPO) ang mga dapat malaman tungkol sa HIV, kung saan, kasama rin sa naging programa ang pamimigay ng libreng condom at lubricant, maging ang pagpapalawig ng mga posibleng treatment tulad ng Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP), Antiretroviral Therapy na makatutulong sa mga positibo rito.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang HIV ay isang virus na umaatake sa immune system ng katawan, at kung hindi maaagapan agad, maaari itong mapunta sa Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS).
Isa sa mga pamamaraan ng pagkakaroon nito ay sexual contact, kung saan pumapasok ang virus mula sa isang infected partner sa iba’t ibang butas ng katawan tulad ng bibig, ayon naman sa Stanford Medicine.
Dito na pumapasok ang “safe sex” o responsableng pakikipagtalik kung saan pinoprotektahan ng dalawang tao ang kanilang sarili at ang isa’t isa mula sa mga Sexually Transmitted Infection (STI) sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagpapalitan ng mga bodily fluid tulad ng semen at dugo habang sila’y sexually active.
Ginagawa ito sa pamamagitan ng paggamit ng condom na nagbibigay ng “barrier protection” bilang proteksiyon sa mga STI at hindi planadong pagbubuntis.
Isa sa mga pinakapopular na proteksyon sa pakikipagtalik ay paggamit ng condom.
Ngunit, ano ano nga ba ang uri ng condom at paano ito gamitin?
External Condom
Ang external condom o male condom ay gawa sa manipis na latex, plastic (polyurethane), at synthetic rubber.
Ayon sa CDC, ang latex condom ang pinaka-epektibong uri ng condom para maiwasan ng HIV.
Paano ito gamitin:
1. Buksan at tanggalin ang condom mula sa wrapper.
2. Bago makipagtalik, ilagay ang condom sa dulo ng ari hanggang sa dulo nito.
3. Pagkatapos nama’y hawakan ng dulo ng condom at hilahin palabas.
Internal Condom
Ang internal condom o female condom ay ginagamit sa ari ng babae kung saan ito ay gawa sa manipis na pouch na gawa sa synthetic latex o “nitrile.”
Ayon sa CDC, ang HIV ay hindi nakapapasok sa nitrile barrier.
Paano ito gamitin:
1. Buksan at tanggalin ang condom mula sa package.
2. Hawakan ang dulo o closed end, pisilin ang inner ring nito, at ipasok sa loob ng ari.
3 Itulak ang inner ring hanggang sa dulo at siguraduhin na ito’y naka-pirmi at hindi nakaikot.
4. Pagkatapos makipagtalik, ikutin ang outer ring at hilahin ito palabas.
Mahalagang tandaan na kahit anong uri ng condom ang gamitin, kapag naramdamang nasira ang condom sa kalagitnaan ng pagtatalik, tumigil agad at palitan ito ng bago.
Sa dagdag na pag-aaral ng World Health Organization (WHO), ang condom man ay makokonsiderang epektibo laban sa HIV at iba pang STI, kung gagamitin ng tama, mayroon itong 98% ng kababaihan ang makaiiwas sa hindi planadong pagbubuntis mula sa paggamit ng external o male condom, at 95% naman mula sa internal o female condom.
Ang pag-iingat mula sa mga STI ay importante para protektahan ang sariling pangkalusugan gayundin ang kapakanan ng partner, at ito ay magagawa sa pamamagitan ng pagiging maalam at edukado sa mga paksang tumatalakay sa reproductive health.
Bilang parte ng pag-iingat sa kalusugan, ang DOH ay mayroon 305 HIV Care Facilities sa bansa na nagbibigay serbisyo para sa HIV prevention at gamutan ng mga Persons Living with HIV.
Maaari lamang magtungo sa pinakamalapit na facility sa inyong lugar gamit mula sa listahan ng DOH.
Sean Antonio/BALITA