Sa karera ng active lifestyle, isa sa mga pangalang matunog ay si GMA trivia master - TV host, Kim Atienza, o kilala rin sa publiko bilang “Kuya Kim,” na nakilala sa kaniyang weather reporting at pagbabahagi ng mga scientific trivia, at ngayon, bilang isang “fitspiration” ng karamihan.
Sa kaniyang panayam sa GMA News, ibinahagi niyang ang kaniyang “health scare” sa sakit na stroke noong 2010 ang nagsilbing “awakening” para magbago ng nakasanayang lifestyle.
Kung kaya’t matapos ang ilan buwan ng gamutan, sumali ito sa mga sports activity tulad ng triathlon, na isang activity na binubuo ng swimming, biking, at running.
At sa kamakailan niyang sports activity, lumahok ito sa Santé Barley Trilogy Run Asia noong Hulyo sa Maynila, kung saan nilahukan ito ng 12,000 na mga mananakbo.
Isa sa mga pinakikita rito na karamihan sa mga Pilipino ang nae-enganyo sa pagkakaroon ng active lifestyle sa pamamagitan ng pagtakbo at mahabang paglalakad dahil sa mga benepisyo sa kalusugang dala nito.
Mga benepisyo at mga dapat malaman sa pagtakbo at paglalakad
Sa ilang mga pag-aaral, 10,000 ang sinasabing perpektong bilang ng steps para maramdaman ang mga benepisyong pangkalusugan ng paglalakad o pagtakbo sa isang araw.
Ngunit, sa kasalukuyang pag-aaral mula sa The Lancet Public Health na inilabas noong Hulyo 2025, ang 7,000 steps sa isang araw ay kinokonsidera na mas makatotohanan na bilang habang umaani pa rin ng mga kaparehas na benepisyo.
Ayon sa Science Alert, ang mga taong nakaaabot ng 7,000 steps sa isang araw ay mayroong mataas na proteksyon laban sa maagang pagkamatay o premature death at mga sakit tulad ng mga kondisyon sa puso, cancer, at dementia.
Sa dagdag na pag-aaral naman ng Transcranial Magnetic Stimulation (TMS) Institute of Arizona, ang regular na pagabot ng 7,000 steps sa isang araw ay nakababawas sa health risk ng depresyon dahil sa maayos na daloy ng dugo sa utak na nakatutulong sa pagbabawas ng stress at regulasyon ng emosyon.
Sa kaugnay na ulat, nagpahayag din ng adbokasiyang pangkalusugan ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, Hulyo 28.
Kung saan, isa sa mga binitiwan niyang direktiba ay ang pagbubukas ng mga parke at plaza kung saan maaaring mag-ensayo at ehersiyo ang mga mamamayan ng bawat Local Government Unit (LGU), maging ang pagbubukas ng Philippine Sports Commission sa Pasig, Maynila, at Baguio, ng kanilang track and field para libreng makapagjogging at makatakbo ang publiko.
Sean Antonio/BALITA