December 13, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Solon daw kasi! Sarangani Rep. Solon, umalma sa pagdawit sa naispatang 'watching sabungero' sa HOR

Solon daw kasi! Sarangani Rep. Solon, umalma sa pagdawit sa naispatang 'watching sabungero' sa HOR
Steve Chiongbian Solon

Pumalag si Sarangani Lone District Representative Steve Chiongbian Solon sa mga nagsasabing siya raw ang kongresistang naispatang nanonood ng online sabong sa kaniyang gadget, habang nagaganap ang plenaryo sa House of Representatives noong Lunes, Hulyo 28, para sa botohan ng pagka-house speaker.

Inakala kasi ng mga netizen na siya ang tinutukoy sa headline ng Balita na "Solon, naispatang nanonood ng online sabong sa sesyon ng HOR."

Ang salitang "solon" ay matagal nang ginagamit na salitang katumbas ng lawmaker, legislator, o tagagawa ng batas.

Isa pa, wala ring nabanggit, tinukoy, o pinangalanang kongresista sa loob ng artikulo dahil hindi rin naisapubliko ang pagkakakilanlan ng nabanggit na kongresista, dahil nakatalikod ito.

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

Ngunit ang ilang mga netizen, agad na gumawa ng paratang laban kay Rep. Solon, na inakalang siya ang tinutukoy sa pubmat, kahit walang basehan.

KAUGNAY NA BALITA: Solon, naispatang nanonood ng online sabong sa sesyon ng HOR

Kaya naman, mismong si Rep. Solon na ang nagtuwid sa mga nagta-tag sa kaniya at inakalang siya ang tinutukoy sa nabanggit na headline.

Agad niyang nilinaw na hindi siya ang nabanggit na kongresista at hindi siya sugarol. 

"It has come to my attention that people are tagging my name to a viral post. So let me clarify this once and for all -- I don't gamble nor do I approve of online gambling," aniya sa kaniyang Facebook post

Paliwanag din niya, "Pag may nagheadline ng ganito 'Solon, naispatang nanood ng online sabong...' ang ibig sabihin ng SOLON ay LAWMAKER in English."

"Hindi lahat ng nakasulat na Solon ay ako."

"Let's be functional readers not instant reactors," pagtutuwid pa niya.

Wala namang nakitang mali ang kongresista sa headline na nakasulat sa publication material o pubmat.

Samantala, patuloy pa ring tinutukoy ng mga netizen kung sino ang nabanggit na mambabatas na nanonood ng online sabong habang nagaganap ang sesyon.