Tila positibo umano ang resulta ng pagsugpo sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) kaya mas pinili ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na laktawan ito sa kaniyang katatapos lang na State of the Nation Address (SONA).
Sa ikinasang monthly balitaan forum ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA) nitong Miyerkules, Hulyo 30, sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Maynila, hiningan si Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Secretary Gilbert Cruz ng sariling palagay kung bakit hindi tinalakay ng presidente ang isyu ng POGO.
Matatandaang ang pagdedeklara ni Marcos na itigil ang operasyon ng POGO sa Pilipinas ang nagpatingkad sa ikatlo niyang SONA noong Hulyo 2024.
MAKI-BALITA: PBBM, idineklara pag-ban ng lahat ng POGO sa PH
“Positive ang naging resulta, e. So, nakita siguro ni Presidente, ‘Okay tapos na tayo sa yugto na ‘to and then we move on to another one,’” paliwanag ni Cruz.
Dagdag pa niya, “So, ‘yon ‘yong tingin ko na nakita niya. ‘Kaya na ng mga agencies ko ‘to. Kung anoman ‘yong ibang problemang darating na kagaya ng POGO, kayang-kaya na nila. We will focus more on the other problems.'”
Kaya naman kung babalikan ang ikaapat na SONA, mas sumentro umano si Marcos sa paglalatag ng mga plano at pangako sa sektor ng kalusugan at edukasyon.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Ang mga pangako ni PBBM patungkol sa edukasyon
Samantala, nilinaw din ni Cruz na bagama’t hindi binanggit ng pangulo ang problema ng Pilipinas sa online gambling, tuloy-tuloy pa rin umano ang kampanya ng PAOCC laban dito.
Aniya, “Hindi ho komo hindi sinabi ni Presidente [ang] about online gambling, hindi ho natin gagalawin ‘yon. Tuloy-tuloy po tayo diyan.
“And I think, isang salita niya lang po ‘yan during a cabinet meeting na, 'Tutukan n’yo ‘yong online gambiling.' ‘Yon na po ‘yon,” dugtong pa ni Cruz.
Matatandaang ilang mambabatas na sa Senado at Kongreso ang naghain ng mga panukalang batas na naglalayong lutasin ang negatibong epekto ng online gambling sa maraming Pilipino.
MAKI-BALITA: Kinabukasan ng kabataan, 'wag isugal —Akbayan
MAKI-BALITA: Ganap na pagbabawal sa online gambling sa Pinas, isinusulong ni Sen. Raffy Tulfo
MAKI-BALITA: Sen. Risa, umaasang magpapatupad ng regulasyon ang e-wallets at super apps