December 13, 2025

Home FEATURES Lifehacks

ALAMIN: Phone apps na makatutulong sa pag-monitor ng baha

ALAMIN: Phone apps na makatutulong sa pag-monitor ng baha
Photo courtesy: MB/Freepik

Sa isang taon, mahigit-kumulang na 20 bagyo ang bumibisita sa bansa na nagsasanhi ng mga abala tulad ng baha, pagguho ng lupa, at pagkawasak ng mga bahay at kuryente sa daan.

Ayon sa Asian Disaster Reduction Center (ADRC), ang Pilipinas ay nakalugar sa “Pacific Typhoon Belt” kung kaya’t ito’y madaling tamaan ng tsunami, landslide, at baha o flash flood.

Sa mga nagdaang linggo nitong Hulyo, ang bansa ay nakaranas ng 3 bagyo kasabay ng habagat, kung saan, ang isa sa mga naging malaking problema na kinaharap sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay ang mataas na pagbaha.

Kaya naman, mahalagang palaging updated sa balita at hangga’t maaari ay maalam kung ano-anong mga lugar ang puwedeng iwasan sa kalagitnaan ng malakas na pag-ulan at nagbabadyang pagbaha.

Lifehacks

‘Kaka-selpon mo ‘yan!’ ALAMIN: Maililigtas ka ba ng phone mo sa lindol?

Ito ang ilan sa mga apps na maaaring i-download para bantayan ang mga lugar na madalas binabaha

1. UP NOAH

Ang University of the Philippines Nationwide Operational Assessment of Hazards (UP-NOAH) o dating kilala bilang Project NOAH na unang inilunsad ng Smart Communications, Inc., at Department of Science and Technology (DOST) noong 2012, inaprubahan ng UP ang pagtuloy dito noong 2017 at pinangalanang UP NOAH.

Ang mobile app na ito ay nagbibigay-impormasyon sa user sa mga kalapit-lugar na may pagbaha, landslide, malakas na pag-ulan at mga evacuation center na maaaring mapuntahan.

2. e-was Baha

Binuo at pinalago ng Electrical and Electronics Engineers (IEEE) sa pamamagitan ng crowdsourcing o pagkuha ng ideya sa masa, ang Android mobile app na ito ay tumutulong na magbigay-impormasyon sa user tungkol sa pagbaha sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagno-notify sa mga kalsadang sarado at kung ano ang mga alternatibong daan.

3. HazardHunterPH

Sa pangunguna ng Department of Science and Technology - Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) at GeoRisk Philippines, ang HazardHunterPH ay isang one-stop shop para magbigay kaalaman sa user kung anong mga posibleng panganib o hazards ang meron sa isang lugar.

4. PH Weather and Earthquakes

Dating kilala bilang“PHIVOLCS Earthquake Alerts,” binuo ng droidgox ang ngayo’y PH Weather and Earthquakes upang magbibigay ng real-time updates tungkol sa panahon at mga kilos ng lupa bilang antabay sa lindol.

Pinagsama ng app na ito ang komprehensibong impormasyon tungkol sa panahon mula sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) para naman sa mga alertong pang-lindol at pagputok ng bulkan.

5. Flood Patrol

Binuo ng Ateneo Java Wireless Competency Center (AJWCC), ang Android mobile phone app na ito ay nagsisilbing ekstensiyon ng UP NOAH o dating kilala sa pangalang Project NOAH na pinangungunahan ni Dr. Mahar Lagmay.

Ang proyektong ito ay binibigyang pagkakataon ang user na makita ang mga nakaraang flood report at maaari ding kuhaan ng litrato at i-report ng user ang baha sa kaniyang lugar.

Ang phone apps na ito ay maaaring magamit hindi lamang sa flood risk kung hindi pati na rin sa lindol at pagputok ng bulkan.

Sa pamamagitan ng teknolohiya, mas mapapadali na ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa mga kalamidad, ang mga posibleng solusyon dito, at kung paano makakaiwas sa mga bantang dala nito.

Sean Antonio/BALITA