Ang buwan ng Hulyo ay ang ating Nutrition Month, at sa dami ng kaganapan sa ating paligid, kailangan natin ang sustansyang dala ng mga gulay para tayo’y maging protektado!
Naispatang ibinahagi ni Mayor Jun Ynares ng Antipolo City sa kaniyang Facebook page ang #GulayWithFeelings series na naglalayong ipaalam ang magandang dulot ng gulay sa katawan ng tao, lalo na ngayong sunod-sunod ang pag-ulan at pagbaha.
Mababasa sa caption ng kaniyang Facebook post: “Hindi lang love life ang may hugot… pati gulay, meron din! Ngayong Nutrition Month, kilalanin natin ang mga bida ng kalusugan - ang mga gulay na may sustansya na, may hugot pa!”
Ibinahagi sa post na ito ang scientific names ng ilang mga gulay kasama ang dala-dala nitong mga nutrients para sa ating kalusugan.
Narito ang saluyot na may scientific name na Corchorus olitorius na mayaman sa fiber at antioxidants, upo na may scientific name na Lagenaria siceraria na 90% water at mainam sa hydration, sayote na may scientific name na Sechium edule na mayaman sa folate at Vitamin C, at kangkong na may scientific name na Ipomoea aquatica na taglay ang Iron at Vitamin A.
Kasama rin ang luya, scientific name ay Zingiber officinale na may gingerol para sa pananakit ng tiyan, broccoli, scientific name ay Brassica oleracea var. italica na may Vitamin C at fiber din, gabi, may scientific name na Colocasia esculenta na mayaman sa Vitamin E at Potassium, at bawang na may scientific name na Allium sativum na nakatutulong for low blood pressure.
Kabilang din ang Basella alba, mas kilala bilang alugbati, mayaman sa Vitamin A at mabuting panunaw at Cucurbita moschata o kalabasa na may beta-carotene for good eyesight and resistensya.
Pero makikita na karamihan sa netizens ay sinamantala ang pagkakataong manghingi ng tulong sa pamahalaan ng Antipolo, partikular na sa pangangailangan nila sa pagkain.
“Mayor [J]un baka wala na po kami pang bili ng ulam...
Baka naman pwede makahingi ng konting gulay at bigas”
“Mayor sana [p]o mabigyan din [p]o kami Ng food pack [d]ahil [p]o di po makapasok sa trabaho dahil sa baha [p]o.”
“Mayor, [h]indi po kami binaha [kasi] medyo mataas lugar [n]amin. Pero [h]indi makapasok sa trabaho dahil baha [a]ng mga daanan, Sana mabahagian kami [n]g food pack at rice. Wala [nang] ibibili dahil walang sasahurin”
Ngayong panahon na sunod-sunod ang kalamidad tulad ng bagyo, habagat, at baha, mainam na alagaan natin ang ating mga kalusugan hindi lang para sa atin, kung hindi para din sa ating mga pamilya.
Vincent Gutierrez/BALITA