December 14, 2025

Home BALITA Metro

2 pasyente, patay sa leptospirosis sa Maynila

2 pasyente, patay sa leptospirosis sa Maynila
(Contributed photo VIA MB)

Kinumpirma ni Manila Health Department (MHD) chief Dr. Grace Padilla na dalawang pasyente na ang nasawi sa lungsod dahil sa sakit sa leptospirosis.

Sa isang media interview nitong Huwebes, Hulyo 24, nilinaw ni Padilla na ang mga naturang pasyente na nasawi sa leptospirosis ay hindi dinapuan ng sakit sa kasalukuyang mga pag-ulan, kundi sa mga pagbahang naranasan pa noong mga nakalipas na araw.

Dagdag pa niya, sa ngayon ay may dalawang pagamutan sa lungsod ang nag-aasikaso sa leptospirosis cases sa lungsod.

Aniya, kabilang dito ang Sta. Ana Hospital na nakapagtala ng limang kaso ng leptospirosis at ang Ospital ng Maynila na mayroon namang tatlong kaso ng sakit.

Metro

Misis, sinaksak ng mister sa leeg

“For the City of Manila, with regards to leptospirosis, dalawang hospital po namin ang nagki-cater diyan… Ang Sta. Ana Hospital at Ospital ng Maynila,” ayon kay Padilla. 

“And according to the report, mayroon po kaming limang cases, as early as now ha?, mayroon po kaming limang cases sa Sta. Ana Hospital at three cases sa Ospital ng Maynila. But unfortunately, mayroon na rin po tayong mortality na dalawa,” dagdag pa niya.

Inaasahan din aniya nilang sa susunod pang mga linggo magsi-surge o dadami ang bilang ng mga maitatalang kaso ng leptospirosis dahil sa mga kasalukuyang pag-ulan at pagbaha dahil mayroon pa aniyang incubation period bago lumabas ang mga sintomas ng naturang karamdaman.

Paniniguro naman ni Padilla, handang-handa ang pamahalaang lungsod sa pagtugon sa mga kaso ng leprospirosis.

Nagbukas na rin aniya ang MHD ng ‘Leptospirosis Fast Lane’ sa anim na district hospital at 44 barangay health center sa lungsod bilang paghahanda sa inaasahang pagtaas ng mga kaso nito.

Namimigay na rin sila ng mga prophylaxis para sa prevention ng leptospirosis cases.

“With regards to leptospirosis, ready po ang Manila.  Nag-launch kami ng “Leptospirosis Fast Lane, nagbibigay po tayo ng libreng prophylaxis, ng doxycycline, dalawang kapsula, isang inuman, para po sa prevention ng leptospirosis cases, na inaasahan nating tumaas in the next two weeks,” pahayag pa ni Padilla, sa hiwalay na panayam sa media. 

KAUGNAY NA BALITA: DOH, nagpaalala sa publiko na huwag gumamit ng 'doxycycline' nang walang reseta