Bumuhos ng donasyon sa Maynila mula kay Senador Erwin Tulfo sa gitna ng halos walang tigil na pag-ulan sa National Capital Region (NCR) dahil sa southwest monsoon o habagat.
Sa isang Facebook post ng Manila City Government nitong Miyerkules, Hulyo 23, sinabi nilang umabot umano sa isanlibong sako ng bigas at bottled water ang ipinamigay ni Tulfo para sa mga Manileño.
Anila, titiyakin umano ng city government na makakarating ang tulong sa mga pinakanangangailangan, lalo na sa mga evacuee.
Pinasalamatan naman ni Manila City Mayor Isko Moreno ang inisyatibong ito ni Tulfo na nakahanda pang tumulong sakaling mangailangan ang nasabing siyudad.
“We are happy and grateful to the Senate, especially to the office of Sen. Erwin Tulfo,” saad ni Moreno.
Sa kasalukuyan, dalawang bagyo na ang inaasahang tatama sa bansa ngayong linggo.
Binabantayan din ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang pang LPA sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na nasa layong 2,340 kilometers East of Eastern Visayas.