Ginawang katatawanan ng mga netizen ang matinding pagbaha sa Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Lunes, Hulyo 21, dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan dahil sa southwest monsoon o habagat.
Binabansagan na ang isa sa mga major roads sa QC bilang "Commonwealth Beach" dahil daw sa halos lagpas-tuhod na antas ng baha rito noong Lunes.
Sa mga nag-viral na videong kuha ng netizens, makikita ang paglusong ng ilang katao at motorista sa baha, na dati raw ay hindi naman nangyayari.
Matatandaang kamakailan lamang ay napuna ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang konstruksyon ng MRT-7 Batasan Station, na isa raw sa mga dahilan ng pagbaha sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Ayon kay Rodel Oroña, Officer-in-Charge of the First District Flood Control Operation, iginiit niyang may kinalaman daw ang poste ng naturang estasyon sa pagbaha sa lugar.
KAUGNAY NA BALITA: Konstruksyon ng MRT-7, sinisi sa pagbaha sa Commonwealth
Ngunit nilinaw naman ng Project Management Office ng MRT-7 (MRT-7 PMO) na ang kanilang mga pasilidad malapit sa Batasan Station sa Commonwealth Avenue ay hindi sanhi ng pagbaha sa lugar, kasunod ng mga panibagong pahayag na nag-uugnay sa insidente sa isinasagawang proyekto.
Anila sa isang press release, ang lahat ng estruktura ng MRT-7 sa lugar, kabilang ang mga kolum at pundasyon, ay itinayo sa labas ng mga umiiral na linya ng drainage at hindi humaharang sa natural na daloy ng tubig.
Ang mga ito raw ay itinayo alinsunod sa layout ng drainage at sang-ayon sa mga aprubadong plano ng inhenyeriya.
Anila pa, ang mga isyung inihain tungkol sa isang manhole na itinayo sa kahabaan ng drainage line ay sinuri na rin.
KAUGNAY NA BALITA: MRT-7, hindi rason ng pagbaha sa Commonwealth Avenue