Ipinag-utos ng Malacañang, sa pamamagitan ng Memorandum Circular Blg. 88, ang suspensyon ng trabaho sa pamahalaan at ng mga klase sa pampribado at pampublikong paaralan sa lahat ng antas ngayong Lunes, Hulyo 21, simula ala-1:00 ng hapon, dahil sa patuloy na malakas na pag-ulang dulot ng southwest monsoon o habagat.
Saklaw ng suspensyon ang lahat ng lungsod sa Metro Manila, gayundin ang Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Zambales, Pampanga, Bataan, at Batangas.
KAUGNAY NA BALITA: Malacañang sinuspinde mga klase, gov't work sa NCR, iba pa dahil sa habagat
Pagdating naman sa mga pribadong kompanya at opisina, nakabatay ang desisyon sa kani-kanilang mga namumuno.
Bago ang habagat, nakaranas din ng pag-ulan ang mga nabanggit na lalawigan dahil sa bagyong #CrisingPH.
Ang totoo niyan, hindi naman ito first time ng mga Noypi: taon-taon, may mga dumadalaw na bagyo bukod pa sa habagat, kaya sanay na sanay na sa malalakas na ulan at pagbaha. Kaya alam na rin nila ang gagawin, lalo na sa mga lugar na bahain o flood-prone areas.
Kapag nagsimulang tumaas ang tubig-baha sa inyong lugar, mahalagang maging maagap, mahinahon, at handa. Ang kawalan ng kaalaman o aksyon ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay, ari-arian, at kalusugan.
Narito ang mga pangunahing dapat gawin upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa sa panahon ng pagbaha:
1. Makinig, Manood, o Magbasa ng Balita at Anunsyo ng Awtoridad
Unang-una, makinig sa radyo, manood sa telebisyon, o mag-monitor sa social media ng mga opisyal na ahensya tulad ng PAGASA, NDRRMC, o lokal na pamahalaan. Alamin kung may flood warning, evacuation order, o iba pang mahahalagang abiso.
Makakatulong kung naka-subscribe sa Balita, sa Manila Bulletin, at social media page ng iba pang news outlets upang nalalaman ang nangyayari.
Alamin kung nasa Yellow Warning, Orange Warning, o Red Warning na ba ang inyong lugar. Kapag Yellow, ibig sabihin, maging alerto. Kapag Orange, ibig sabihin ay malakas ang pag-ulan at posible ang pagbaha kaya dapat ay maghanda. Kapag Red Warning naman, ibig sabihin ay ililikas na dahil posibleng maging banta sa buhay ang sitwasyon.
2. Ihanda ang Go-Bag o Emergency Kit
Kung wala pa kayo nito, agad na maghanda ng emergency go-bag na naglalaman ng sumusunod:
- Tubig at ready-to-eat na pagkain (na posibleng tumagal sa loob ng 3 hanggang 5 araw)
- Flashlight at ekstrang baterya
- First aid kit
- Whistle o pito
- Importanteng dokumento (birth certificate, ID, titulo, etc.) sa waterproof bag
- Damit, toiletries, at iba pang hygiene items
- Powerbank o backup na cellphones
3. Patayin o I-off ang Kuryente at Gaas sa Bahay
Kapag nagsisimula nang tumaas ang tubig, i-off muna ang main switch ng kuryente at gaas upang maiwasan ang sunog o electrocution. Huwag hintaying pumasok ang tubig sa loob ng bahay bago gawin ito.
4. Itaas ang Mahahalagang Gamit
I-akyat sa matataas na bahagi ng bahay ang appliances, dokumento, at mahahalagang kagamitan. Gumamit ng plastic container o waterproof bag para hindi mabasa.
5. Ilikas o i-evacuate ang Matatanda, Buntis, Bata, at May Kapansanan
Unahin ang mga taong may limitadong galaw. Kung kailangan nang lumikas, gawin ito habang hindi pa malalim ang tubig. Magtulungan bilang komunidad upang masigurong ligtas ang lahat.
6. Gamitin ang Social Media at Emergency Hotlines sa Tamang Paraan
Kung may signal, internet connection, at battery power pa ang iyong gadgets, i-update ang kamag-anak tungkol sa inyong kalagayan. Responsableng gumamit ng social media at huwag magpakalat ng maling impormasyon. Alamin din ang mga emergency hotline ng inyong barangay o lungsod, gayundin ng rescue teams.
7. Manatiling Kalmado at Magdasal
Sa gitna ng kaguluhan, ang pagiging kalmado ay makatutulong upang makapag-desisyon nang tama. Ipanalangin ang kaligtasan ng pamilya, kapitbahay, at buong komunidad.
Ang pagbaha ay isang sakunang hindi maiiwasan, ngunit maaaring mapaghandaan. Ang kahandaan at kooperasyon ay susi upang makaligtas at makabangon nang mas mabilis. Ipagpauna ang buhay kaysa sa anumang materyal na bagay. Sa panahon ng peligro, ang bawat segundo ay mahalaga.