Nambiktima ng isang babaeng pasahero ang limang miyembro ng notoryosong "Dura-dura Gang" sa Sta. Ana, Maynila.
Iniharap ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa media nitong Lunes, Hulyo 21, ang mga suspek na kinilala sa mga alyas na ‘Raffy,’ 34; ‘Brando,’ 33; ‘Robie,’ 22; ‘Jomar,’ 33, at ‘Dan,’ 32, pawang walang hanapbuhay at residente ng Old Sta Mesa, sa Maynila.
Sila ay inaresto bunsod ng reklamo ng biktimang si alyas ‘Tina,’ 53, private nurse at residente ng San Juan City.
Batay sa ulat ng District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) ng Manila Police District (MPD), nabatid na naganap ang insidente dakong alas-9:00 ng gabi noong Hulyo 15, Martes, sa Old Panaderos, sa Sta. Ana, Manila.
Nauna rito, lulan umano ang biktima ng isang pampasaherong bus at binabaybay ang Taft Avenue sa Malate, nang bigla na lang siyang banggain ng isa sa mga suspek. Habang pababa ang mga ito ng bus, isa naman sa mga suspek ang tumapik sa kaniyang kanang balikat upang ilihis ang kaniyang atensiyon.
Pagkababa ay nakita ng biktima na sumakay ang mga suspek sa dalawang itim na motorsiklo at dito na napansin ng biktima na ang isa sa mga suspek ang may isinisilid na cellphone sa bulsa, na kamukha ng kaniyang cellphone.
Nang kapain ng biktima ang kaniyang bulsa, dito na niya napagtanto na nadukutan siya ng mga suspek.
Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang biktima at mabilis na nagtungo sa tanggapan ng MPD at nagsumbong.
Matagumpay namang naaresto ng mga pulis ang mga suspek sa ikinasang follow-up operation.
Narekober mula sa kanila ang ninakaw na cellphone ng biktima at ang dalawang motorsiklo, na hinihinalang ginagamit ng mga ito sa kanilang ilegal na gawain.
“Isa lang naman ang sistema, i-di-distract 'yung tao para madukutan, pagka 'yung atensyon mo ay na-divert na tsaka po sila dudukutan. So teamwork po ang ginagawa nila,” ayon kay MPD Director PGEN Arnold Abad. “Pwedeng sasabihin, miss may dura ka po dito, so pagtingin mong ganun 'yung atensyon mo nandun, o kaya naman duduraan ka talaga, siyempre iilag ka.”
Ayon naman kay Domagoso, matagal at napapasa-pasa na ang ganitong modus. “Nai-ta-transfer 'yung skill, it's a craft. Tinuturo 'yan, pina-practice 'yan, kaya it will become a skill to them. Most likely, it's the same form of organization, same style, common principle, crimes against property.”
Natuklasan din ng mga awtoridad na bukod sa naturang kaso, ang mga suspek ay sangkot din sa iba pang ilegal na gawain, gaya ng paglabag sa Republic Act 10591 in relation to Omnibus Election Code, illegal gambling at ilang kaso ng robbery at theft.
Nakapiit na ang mga suspek at sasampahan ng kaukulang mga kaso sa piskalya.