Nagbigay ng reaksiyon si Cardinal Pablo “Ambo” David kaugnay sa online sugal na isa sa malalaking problemang kinakaharap ng Pilipinas sa kasalukuyan.
Sa general session ng Philippine Conference on New Evangelization (PCNE) XI nitong Biyernes, Hulyo 18, ikinuwento ni Cardinal Ambo na nakatanggap umano siya ng sulat mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Aniya, nakalatag umano sa sulat ang punto per puntong paliwanag ng PAGCOR para pangatwiranan ang legalidad ng online sugal.
“Ang sumatutal is, ‘If we don’t legalize it, mananatiling ilegal ‘yan, and we lose a lot of money. Sayang. We could use the money and generate revenues for government.’ ‘Yon ang reasoning. No matter if it is very addictive, especially for young people,” saad ni Cardinal Ambo.
Dagdag pa niya, “Ire-regulate na lang daw. How? Gagawa raw ng control system para hindi makapasok ang mga kabataan. Really? You really believe that? Ewan ko lang. Digital natives, kakayanin mo ‘yan makontrol?”
Kaya naman mahigipit na tinutulan ng cardinal ang nasabing panukala.
“Well, ang sabi ko, I am sorry but I do not agree that you can regulate something criminal. It is criminal through and through,” sabi ni Cardinal Ambo.
Matatandaang isa ang Akbayan Party-list sa naghain ng panukalang batas upang patawan ng regulasyon ang online gambling platforms bilang tugon sa lumalalang adiksyon dito ng mga Pilipino kabilang na ang kabataan.
MAKI-BALITA: Kinabukasan ng kabataan, 'wag isugal —Akbayan
Ipinaliwanag ni Akbayan Rep. Atty. Chel Diokno sa isang press conference kamakailan na praktikal na solusyon umanong i-regulate ang naturang platforms sa halip na i-total ban ang mga ito.
"[M]as mahihirapan ang pamahalaan na sugpuin ‘yong problema. If we can see them and closely monitor and regulate them, ang pananaw ng Akbayan ay mas praktikal na solusyon ‘yon,” anang kongresista.