December 13, 2025

Home FEATURES Lifehacks

20% tax sa interes ng bank savings mo, paano makakaapekto sa iyo?

20% tax sa interes ng bank savings mo, paano makakaapekto sa iyo?
Photo courtesy: Freepik

Iba-iba ang naging reaksiyon at komento, pero karamihan ay tila pumapalag at umaaray sa naisabatas na Republic Act No. 12214, o ang Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA).

Nagkabisa ito sa pagpasok ng Hulyo, bagama't Mayo 29, 2025 pa naisabatas ito.

Kung may savings ka sa bangko, tiyak na makaka-relate ka rito dahil isa ka sa mga apektado nito.

Batay sa Department of Finance (DOF), matagal nang sinisingil ang 20% na buwis sa mga deposito bilang bahagi ng mga repormang isinabatas noon pang 1997.

Lifehacks

‘Kaka-selpon mo ‘yan!’ ALAMIN: Maililigtas ka ba ng phone mo sa lindol?

Nilinaw ng DOF na mali ang mga haka-haka, pala-palagay, at interpretasyon ng mga netizen na bubuwisan ng 20% ang kabuuang savings ng isang bank depositor.

Ang intindi raw kasi ng karamihan, kung may ₱200,000 ka sa bangko, inakalang kakaltasan ito ng 20% o ₱40,000 pagkatapos ng isang taon. Kaya naman ang matitira na lang daw sa savings ay ₱160,000. Ang laki nga naman nito! Sabi ng mga netizen, bakit pa raw mag-iimpok sa bangko kung malaki rin naman ang mawawala?

May ilan pang nagsabing okay lang sana kung nakikita at nararamdaman naman daw kung saan mapupunta ang buwis; pero ang mas nakapanlalambot daw, hindi pa rin umano nawawala ang katiwalian o korupsyon sa bansa.

Kaya the more na lumalaki raw ang ipon, the more na mas malaki rin ang pataw na buwis.

Pero pinabulaanan ito ng DOF at sinabi nilang mali ang pagkakaintindi ng karamihan.

Mababasa sa inilabas na pubmats ng DOF, na naka-upload sa kanilang opisyal na Facebook page, "Mahalagang malaman na hindi ito bagong buwis at layunin lamang nito sa ilalim ng CMEPA na gawing pantay at patas ang pagbubuwis sa interest mula sa savings ng mga mamamayan."

"Bukod dito, hindi binubuwisan ang kabuuang halaga ng perang naka-deposito sa bangko. Sa halip, ang interes lamang na kinikita nito ang binubuwisan."

"Ang CMEPA ay dumaan sa masusing pag-aaral ng kongreso bago naisabatas noong May 29, 2025."

"Ipinapaalala ng DOF na maging mapanuri sa mga articles at posts na kumakalat online na ginawa para magpakalat ng maling impormasyon," paalala pa ng DOF.

Kung dati ay may kaukulang porsyento lamang ang buwis sa interes depende sa tagal ng maturity nito, ngayon, 20% na ang lahat kasehodang ang maturity ay mas mababa sa tatlong taon, o maturity nang mas mataas sa limang taon.

Ipinaliwanag din ng DOF kung bakit sila nagdesisyon sa ganitong batas.

Una, ang dating sistema raw ay hindi patas. Ayon daw sa pag-aaral at datos, karamihan ng may hawak ng mga mas matagal ang maturity ng deposits ay pawang mayayaman at may kaya. Ibig daw sabihin, kung sino pa ang mayayaman, sila pa raw ang may "special treatment" dahil sa preferential rates o mas may mababang binabayarang buwis o di kaya ay walang buwis na binabayaran.

Sa madaling sabi raw, itinama lamang ng CMEPA ang hindi pagkakapantay-pantay ng dating sistema para hindi raw masyadong pumabor o kumiling sa mayayaman, na kayang "patulugin" ang pera nila sa bangko sa mas mahabang panahon.

Naglabas pa ng infographics ang DOF kaugnay sa final withholding tax sa interest income ng savings sa ilalim ng CMEPA.

"Mahalagang malaman na HINDI ito bagong buwis at layunin lamang nito na gawing pantay at patas ang pagbubuwis sa interest mula sa savings ng mga mamamayan," anila. 

Mababasa sa infographics na walang mababago sa buwis ng regular savings na 20% ngayon, na mayroon na noon pa man. 

Para naman sa time deposits sa peso na mababa sa limang taon, 20% ang final tax sa interest income ng savings na nakadepositio sa bangko. Gayundin sa time deposits na limang taon pataas, na noon ay tax-exempt.

Para naman sa interest income sa time deposits ng Pag-IBIG, SSS, at GSIS Products, wala pa ring pagbabago; tax-exempt pa rin. 

 

Una nang ipinaliwanag ni DOF Secretary Ralph Recto na sa bisa ng batas na ito, tinatayang mahigit ₱25 bilyon ang maaaring makolektang buwis mula sa mga deposito sa bangko hanggang taong 2030.

Ayon pa sa kaniya, ang hakbang na ito ay makatutulong sa pagbabawas ng fiscal deficit, habang pinapalawak ang oportunidad ng mga karaniwang mamamayan na makapasok sa kapital at pamumuhunan.

Pero paano ba ang sinasabing kaltasan ng 20% tax sa interes ng savings sa bangko?

Ipagpalagay, na may ₱200,000 ang bank depositor sa isang pinagkakatiwalaang bangko na may annual interest rate na 2%, kaya sa isang taon ay may tubo ang savings niya ng ₱4,000. Pero babawasan ang tubo ng 20% o ₱800 dahil nga sa buwis, kaya ang makukuha na lamang na tubo ay ₱3,200.

Tandaan, hindi babawasan ng 20% ang ₱200,000 na perang nakalagak sa savings account (o kung magkano man ang ipon) kundi sa annual interest rate lamang magkakaroon ng kaltasan.

Kaya naman, sa dami ng mga opsyon ngayon kung paano mapapalago ang pera, puwedeng subukin ang Modified Pag-IBIG 2 (MP2), Unit Investment Trust Fund (UITFs), Retail Treasury Bonds (RTBs), o kahit ang life insurance na may garantisadong balik ng investment sa maturity.

Mag-ingat lamang sa mga pinapasok na investment dahil baka sa kakaiwas na makaltasan ng 20% tax, 100% ang mawala lalo na kung scam pala ito.