December 13, 2025

Home FEATURES Lifehacks

Sa gitna ng panganib: Mga dapat gawin kapag natuklaw ng ahas

Sa gitna ng panganib: Mga dapat gawin kapag natuklaw ng ahas
Photo courtesy: Freepik

Sa mga lalawigan at maging sa mga lungsod, hindi na bago ang mga ulat ng pagkakatuklaw ng ahas. Sa gitna ng pagliit ng kanilang natural na tirahan, napipilitan ang ilang ahas na pumasok sa mga bakuran o tahanan, at sa ilang di-inaasahang pagkakataon, may nadadamay na tao.

Ang pagkakatuklaw ng ahas ay hindi simpleng sugat lamang; ito ay maaaring magbunsod ng matinding epekto sa katawan, lalo na kung ang ahas ay may dalang makamandag na lason.

Bagama't hindi lahat ng tuklaw ay nakamamatay, ang ilan ay may kakayahang bumago ng buhay sa isang iglap. Maaaring magdulot ito ng pamamanhid, matinding pananakit, pagkaparalisa ng kalamnan, o kawalan ng malay. Sa mas malalang kaso, apektado ang paghinga, sirkulasyon ng dugo, at maging ang paningin. At habang ang mga sintomas ay maaaring lumabas agad o makalipas ang ilang minuto, ang agarang pagtugon ay maaaring magligtas ng buhay.

Ayon sa mga eksperto, tulad ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), mahalaga ang mabilis na aksyon sa ganitong sitwasyon.

Lifehacks

‘Kaka-selpon mo ‘yan!’ ALAMIN: Maililigtas ka ba ng phone mo sa lindol?

Una sa lahat, huwag mag-panic. Ang pagkalma ay nakatutulong upang hindi agad kumalat ang lason sa katawan. Huwag subukang hulihin ang ahas, mas mainam kung makuhanan ito ng litrato mula sa ligtas na distansya upang makilala ito ng mga doktor. Kung may nakagat, agad siyang paupuin o pahigain sa komportableng posisyon at tiyaking hindi siya gumagalaw nang labis.

Sa pagtulong sa biktima, narito ang ilang pangunahing hakbang: alisin ang anumang alahas sa bahagi ng katawan na tinuklaw bago ito mamaga, hugasan ang sugat gamit ang sabon at malinis na tubig, at takpan ito ng tuyong benda. Mainam ding markahan ang bahagi ng balat na nagsisimulang mamaga o manlamig, at isulat ang oras ng pagkagat, mahalagang impormasyon ito para sa mga doktor.

Sa kabilang banda, may ilang bagay na dapat iwasang gawin. Isa na rito ang pagsubok na sipsipin ang lason gamit ang bibig, na maaari pang makasama. Ipinagbabawal din ang paglalagay ng yelo o pagbabad ng sugat sa tubig, paggamit ng tourniquet, o pag-inom ng alak at pain relievers gaya ng aspirin. Ang mga ganitong hakbang ay hindi lang walang bisa; maaari rin silang magpalala ng sitwasyon.

Hindi rin nirerekomendang dalhin mag-isa ang biktima sa ospital, lalo na kung hindi pa tiyak ang kanyang kondisyon. Ang biglaang pagkahilo o pagkahimatay ay maaaring mangyari habang nasa biyahe. Kung maaari, humingi ng tulong mula sa mga lokal na awtoridad o emergency services upang masiguro ang ligtas at mabilis na pagdadala sa pinakamalapit na ospital.

Ang pagkakaroon ng kaalaman sa tamang pagresponde ay isang mahalagang sandata laban sa panganib. Sa panahong ang kalikasan ay pilit nang sinasalubong ng kabihasnan, ang kahandaan at tamang impormasyon ay maaaring maging linya ng depensa sa pagitan ng buhay at kamatayan. Sa ganitong mga sitwasyon, hindi sapat ang dasal, kailangan ang aksyon.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga puwedeng gawin kapag may ahas sa inyo