Nagsalita ang TV personality na si Awra Briguela patungkol sa mga kumakalat na resbak daw niya laban sa content creator na si Sir Jack Gaming o Jack Argota.
Umani ng reaksiyon at komento mula sa publiko ang naging "pagtatama" ng content creator sa ginamit na panghalip o pronoun para kay Awra.
Nag-react ang content creator sa isang ulat ng ABS-CBN News hinggil sa graduation niya sa senior high school.
Sinita ng content creator ang paggamit ng "her" para sa kaniya.
Ang panghalip na "her" ay tumutukoy sa babae, kagaya rin ng "she" at "herself."
"Anong her? Goodluck bro!" aniya.
Dahil dito, binanatan ang content creator ng fans at supporters ni Awra, gayundin ang ilang mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
Pero tila hindi natinag si Sir Jack at pinanindigan ang kaniyang saloobin patungkol dito, kahit na inaakusahan siya ng "misgendering."
Ang iba nga, naging below the belt pa at sinabing sa pagitan nilang dalawa ni Awra, siya raw umano ang dapat i-address na "her" dahil sa kaniyang hiwa.
Ang hiwang tinutukoy ng bashers ng content creator ay ang kaniyang cleft palate.
Nasabi na lang ng content creator sa isa pang Facebook post, "Ang OA nyo mga beh ha, i love #Awra."
Sa isa pang Facebook post, "Masakit tanggapin ang katotohan na hindi ka her HERcules ka."
Nag-congrats pa ang content creator sa graduation ni Awra, kalakip naman ang kaniyang graduation photo.
"Congrats mi," saad niya sa caption.
Sinagot din niya ang mga ulat patungkol sa bashing na natatanggap niya mula sa mga tagasuporta ni Awra.
"Sa dinami daming nagbiro sa post na yun, yung biro ko pa yung napansin? Ayoko na mag pisbok!" aniya.
KAUGNAY NA BALITA: Content creator sinita sa pronoun para kay Awra; netizens, rumesbak!
ANG UMANO'Y BUWELTA NG KAMPO NI AWRA BRIGUELA
Agad na nakapukaw sa atensyon ng mga netizen ang umano't resbak ng kampo ni Awra hinggil sa banat sa kaniya ng content creator.
Naging batayan ng mga netizen, na nag-aabang kung paano sasagot at makikipagbardagulan si Awra, sa isang Facebook page na nakapangalan sa kaniya.
"This is a OFFICIAL fan page for Awra Briguela and handled by his fans," nakasaad sa intro ng Facebook page. May 1.1M followers ang page at 35 following.
Bagama't hindi verified ang account dahil sa kawalan ng "blue check," makikitang ang mga larawang naka-upload sa Instagram account ni Awra ay makikita ring naka-upload dito.
Unang banat ng admin na nasa likod ng nabanggit na page, "Sa pagiging mabait na nga lang babawi di pa nagawa," na pumapatungkol sa content creator.
Sa isa pang post, tila ang tinutukoy ng admin ay pagkakaroon ng cleft palate ni Argota.
"talo ako don, sya ang tunay na trans may h1wä siya eh - Admin," mababasa sa post.
Isa pang post, "Hanggang kailan niyo gagamitin/icocomment yang Bronny James na’yan. 2025 na andyan pa rin kayo? -Admin"
Sa huling post, nag-react ang admin sa post ng content creator na "Pag ang bakla masama ugali, bading yan. Pero pag mabait, gooding yan."
Ibinahagi ito ng admin ng FB page at kinomentuhan sa caption, "KUNG MAY KULANG SA NGUSO, BUMAWI SA PUSO."
PAGLILINAW NI AWRA BRIGUELA
Subalit sa updated article ng Philippine Entertainment Portal o PEP, nakipag-ugnayan daw sa kanila ang TV personality at nilinaw na hindi siya ang nasa likod ng nabanggit na Facebook page, at hindi galing sa kaniya ang mga banat laban sa content creator.
Sa mensaheng ipinadala sa PEP noong Martes, Hulyo 15, sinabi ni Awra na hindi siya ang nagmamay-ari ng nabanggit na Facebook page.
Nilinaw rin ng TV personality na wala siyang official Facebook page na siya mismo ang humahawak.
Tila nagpahiwatig din si Awra na hindi na niya papatulan ang natanggap na "panlilibak" at mas pagtutuunan na lamang ng pansin at enerhiya ang mga magagandang bagay na nangyayari sa buhay niya, lalo na ang recent milestone na pagtatapos ng senior high school sa University of the East-Manila.
KAUGNAY NA BALITA: Awra Briguela nagtapos ng senior high school, nagpasalamat kay Vice Ganda