Sa isang bansang tropikal tulad ng Pilipinas, hindi na bago ang mga insidenteng kinasasangkutan ng paglitaw ng mga ahas sa mga tahanan at bakuran.
Dahil sa patuloy na urbanisasyon at pagkasira ng likas na tirahan ng mga hayop, napipilitan ang ilang nilalang tulad ng ahas na humanap ng mas ligtas o mas malamig na lugar, na kadalasan ay mga bahay o paligid nito.
Bagama't hindi lahat ng ahas ay makamandag, mahalagang maging handa at may sapat na kaalaman kung ano ang mga dapat gawin upang maiwasan ang kapahamakan.
Narito ang ilang tips na puwedeng gawin kung sakaling pasukin ng ahas ang bahay o bakuran:
1. Panatilihin ang Katahimikan at Kalmado. Kapag nakakita ng ahas, mahalagang panatilihing kalmado ang sarili. Ang mga ahas ay madalas na hindi agresibo kapag hindi sila pinupukol o inaagrabyado. Kung may bota o boots, maaaring magsuot agad nito, samahan na rin ng makapal na pantalon. Ito ay upang maiwasang matuklaw kung sakaling tatangkaing hulihin o itaboy ito.
2. Itabi ang mga Alagang Hayop. Bagama't nakatutulong sila sa pag-alam kung may reptilyang nakapasok sa bahay o bakuran dahil sa kanilang behavior, itabi o ikulong muna pansamantala ang mga aso at pusa sa ligtas na lugar habang hindi pa natatanggal ang ahas. Baka kasi sila naman ang matuklaw, lalo na kung makamandag ang ahas.
3. Tumawag sa Eksperto at Humingi ng Tulong. Kung hindi tiyak kung ligtas ba ang ahas o hindi, makipag-ugnayan sa barangay o lokal na eksperto sa pag-aalaga ng hayop o sa serbisyong pangkaligtasan ng komunidad.
4. Maglagay ng mga Bakod o Barikada. Sa bakuran, maaari ding maglagay ng mga bakod na tumataas sa lupa o mga barikada upang maiwasang pumasok ang mga ahas sa loob ng bakuran.
5. Mag-ingat sa Pagtatapon ng Basura. Ang mga ahas ay maaaring lumapit sa bahay dahil sa mga tira-tirang pagkain, lalo na kung may daga. Siguruhing naitatapon nang maayos ang mga basura, lalo na ang mga pagkaing natitira upang hindi pamahayan ng mga peste na puwedeng gawing prey o pagkain ng mga ahas.
6. Regular na Paglilinis sa Bakuran. Para maiwasan ang mga lugar na puwedeng maging tirahan ng mga ahas, regular na linisin ang bakuran at siguruhing walang matitirang tambak na kahit ano na puwedeng maging tirahan ng mga hayop. Iwasan din ang masusukal na lugar. Kung kayang tabasin ang mga damo at talahib, gawin ito, subalit mag-ingat din sa paggawa nito.