Sa kabila ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Taal, tuloy pa rin ang pagsasagawa ng search and retrieval operations ng Philippine Coast (PCG) para sa paghahanap ng umano'y mga bangkay ng nawawalang sabungerong hinihinalang itinapon sa Taal Lake.
Sa panayam ng media nitong Huwebes, Hulyo 10, 2025, kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Teresito Bacolcol, inihayag niyang patuloy pa ring naitatala ang volcanic tremor mula sa nasabing bulkan na maaaring magsanhi ng steam-driven eruption.
"Posibleng nagkaroon ng pressurization. Naipon yung pressure kasi since July 6, mayroon tayong volcanic tremor for four days now. Until now, na-record pa rin natin 'yan," saad ni Bacolcol.
Dagdag pa niya, bagama't nananatili ang Bulkang Taal sa alert level 1, maaari pa rin daw itong magkaroon ng biglaang pagsabog.
"Kapag naipon yung pressure, puwede mag-trigger ng biglaang pagbasabog," aniya.
Bunsod nito, nilinaw ni Bacolcol na maaari pa ring maggalugad ang mga awtoridad sa mismong lawa ng Taal dahil pawang ang volcano island lamang daw ang kanilang ikinokosniderang permanent danger zone.
"Ang pinagbabawal po ay yung Taal Volcano Island. Yun yung permanent danger zone natin. Yung sa lake naman, that's beyond the permanent danger zone. In fact may mga pangingisda dyan, may mga fish. So I don't think magkakaproblema," saad niya.
Ayon sa Phivolcs chief, maaari pa raw magtagal ang volcanic tremors katulad ng kanilang naitala noong taong 2021-2022.
"Yung volcanic tremor it can last for several days. In fact, yung volcanic tremors natin before mayroon tayong itala sa Taal Volcano, it lasted for 221 days. Hindi humuhupa from July 7, 2021 hanggang February 2022," aniya.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Sabong to sabog?’ Banta ng pag-alburoto ng bulkang Taal, inintriga ng netizens