Tila hindi nababahala ang Palasyo sa kalagayan umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Matatandaang sinabi ng dating asawa ni Duterte na si Elizabeth Zimmerman na "skin and bones" na ang datiing pangulo makaraang bisitahin niya ito sa ICC.
“He is okay, but he is so thin. Skin and bones,” ani Zimmerman. "He is healthy but as an old man, mahina na maglakad."
Samantala, sa isang press briefing nitong Martes, Hulyo 8, nagbigay-pahayag si PCO Usec. Claire Castro tungkol sa kalagayan ng dating pangulo.
"Sa napanood po natin na pagsasalita ni Ma'am Elizabeth Zimmerman, sinabi niya na pumayat, yes, pero mukhang healthy ayon sa kaniya, and he's okay. Ang sabi pa nga raw ng dating pangulo ay 'You go home. I'm fine. I'm okay.' At hindi na raw siya [FPRRD] nagte-take ng medicine, parang maintenance, so it's good for him, according to Ma'am Elizabeth Zimmerman," saad ni Castro.
Dagdag pa niya, "Saka mas maganda po talaga na natitingnan naman po ang kaniyang kalusugan doon mismo sa The Hague. Hindi naman po pababayaan ang dating pangulo doon."
Itinanong din kay Castro kung hindi ba "cause of concern" ang sitwasyon ni Duterte.
"Sa ngayon dahil mismo ang pamilya niya ang nagsabi na okay po ang dating pangulo, ang kailangan na lang po siguro niya ay exercise," giit ng Palace Press officer.
Kaugnay nito, nagbanta si dating Presidential spokesperson Harry Roque kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kung sakali raw may mangyari kay Duterte sa ICC.
BASAHIN: Roque, may banta kay PBBM 'pag nagpatuloy pagpayat ni FPRRD at may mangyari
Kasalukuyang nananatili sa detention center ng ICC si Duterte matapos siyang maaresto noong Marso 11 dahil sa kasong crimes against humanity bunsod ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Sa Setyembre 23 nakatakdang humarap ang dating pangulo para sa confirmation of charges.
KAUGNAY NA BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025