Tahasang nagbanta si dating Presidential spokesperson Harry Roque kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kung sakali raw may mangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, nangayayat dahil sa soberanya ng Pilipinas—Roque
Sa Facebook video na ibinahagi ni Roque noong Linggo, Hulyo 6, 2025, gigil na nagbanta si Roque laban sa Pangulo.
"Pero hoy, Junior! Sa tingin mo kung may mangyari kay Tatay Digong sa The Hague dahil sa ginawa mong pangingidnap at pagpapapunta sa kaniya, eh magtatagal pa kayo? Magdasal ka na tumaba muli si Tatay Digong! Dahil kapag siya'y patuloy na pumayat at may mangyari sa kaniya, tapos na ang inyong pamilya!” ani Roque.
Inungkat din ni Roque ang naging pagtakas noon ng pamilya Marcos mula sa Malacañang patungong Hawaii, matapos ang pagputok ng EDSA People Power I noong 1986 sa administrasyon ng ama ni PBBM na si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
“Kung noong una, kayo'y nakapunta pa ng Hawaii, baka hindi na kayo makaalis ng Pilipinas, at maghuramentado na ang mga Pilipino!” saad ni Roque.
Samantala, nilinaw naman niya na bagama’t wala raw siyang intensyon na utusan ang taumbayan na magkagulo, hindi niya raw iniaalis ang posibilidad na magkaroon ng tensyon.
“Hindi ko sinasabi na gawin 'yan ng ating kapwa Pilipino, pero, hindi imposible 'yan. Na batuhin na kayo ng taumbayan 'pag may nangyari dito kay Tatay Digong sa The Hague,” aniya.
Dagdag pa niya, “'Pag may nangyari, bangungot 'yan sa inyong lahat! At sa henerasyon na mga dadating na Marcos, hinding-hindi kayo patatawarin ng sambayanang Pilipino.”
Kasalukuyang nananatili sa detention center ng ICC si dating Pangulong Duterte matapos siyang maaresto noong Marso 11 dahil sa kasong crimes against humanity bunsod ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Sa Setyembre 23 nakatakdang humarap si dating Pangulong Duterte para sa confirmation of charges. Bago nito, nauna nang naghain ng interim release ang kaniyang kampo para sa pansamantalang paglaya.
KAUGNAY NA BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025