Pinasarado ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang licensed agency at ang kakuntsaba nitong travel consultancy firm na pugad ng illegal recruitment sa Maynila nitong Biyernes, Hulyo 4.
Ayon kay DMW Undersecretary Bernardo P. Olalia nito ring Biyernes, “kabit system” umano ang tawag sa modus operandi ng REIVEN AIR TRAVEL TOURS & CONSULTANCY sa Malate, Manila at ang RELIABLE RECRUITMENT CORPORATION sa Ermita na konektado sa naturang consultancy firm.
“Ang modus operandi po dito ay yung kabit system na ginawa ng travel consultancy sa isang licensed agency para makapag-alok ng trabaho,” saad ni Olalia.
Dagdag pa niya, “Ito po ay malinaw na illegal recruitment dahil hindi lisensyado ang travel consultancy at wala ring approved job order for the offered jobs ang nasabing licensed agency.”
Naisakatuparan ang operasyong ito sa pamamagitan Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) ng DMW sa pakikipagtulungan ng Manila Police District na umaresto sa mga illegal recruiter.