Buo ang tiwala ni Atty. Antonio Audie Bucoy na tutupad sa konstitusyon at sinumpaang tungkulin ang mga uupong senator-judge sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Si Bucoy ang itinalagang impeachment spokesperson ng House prosecution panel para sa nasabing kaso.
Sa ikinasang press conference nitong Biyernes, Hunyo 27, hiningan si Bucoy ng komento sa sinabi ni Senate President Chiz Escudero na maaari umanong hindi matuloy ang paglilitis kay Duterte kapag nakakuha ng sapat na boto mula sa mga senador para maibasura ito.
“Ang masasabi ho lang namin diyan, kami po ay nagtitiwala sa proseso. We trust the impeachment process,” saad ni Bucoy.
Dagdag pa niya, “We trust that the senator-judges will do or perform their constitutional duty and abide by their oath. Tutuparin nila ‘yong kanilang pinanumpaan noong sila ay manumpa bilang mga senator-judges.”
Matatandaang Pebrero 5 nang tuluyang na-impeach sa Kamara si Duterte matapos ang pagpirma ng tinatayang 215 mga mambabatas sa ikaapat na impeachment complaint laban sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: House of Representatives, inimpeach na si Vice President Sara Duterte
Ngunit nakabinbin pa rin hanggang ngayon sa Senado ang kaso ng bise presidente. Kamakailan lang ay ibinalik sa Kamara ang Articles of Impeachment upang isertipika umano ng mga kongresista na wala silang nilabag na anoman sa Konstitusyon.
BASAHIN: Botong 18-5: Sino-sino Senator-judges na aprub, tutol sa mosyon nina Dela Rosa, Cayetano?