Pumalag si Sen. Risa Hontiveros sa isang video na naglalaman ng umano’y pahayag ng isa raw testigo sa Senado na binayaran ng kampo ng senadora.
Nagmula ang nasabing video noong Martes, Hunyo 24, 2025 sa isang Youtube Channel na “Pagtanggol Valiente.” Ayon sa nagpakilalang testigo na si alyas “Rene,” binayaran lamang umano siya ni Hontiveros upang aniya’y pagbagsakin ang kampo ni Apollo Quiboloy at kaniyang simbahan na Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
“Ako po yung kinuhang witness ni Sen. Risa Hontiveros na nakatakip yung mukha, pero ngayon hindi na sapagkat nagsasabi na ako ng totoo,” saad ni Rene.
“Binayaran po ako ni Sen. Risa Hontiveros para mag-testify laban kay PRRD, VP Sara at Pastor Apollo C. Quiboloy. Lahat ng sinabi ko at mga kasama ko doon na nag-witness sa Senado ay ginawa lamang ni Sen. Risa upang pabagsakin si Pastor at ang buong kingdom at kunin ang kanilang mga ari-arian,” aniya.
Samantala, mariin namang kinondena ng kampo ng senadora ang mga paratang laban sa kaniya at iginit na nakahanda raw silang maglabas ng mga ebidensyang magpapatunay sa mga krimen ni Quiboloy.
“Kasinungalingan ang mga alegasyon ngayon mula sa nagpakilalang dating testigo sa pagdinig ng Senado ukol sa mga krimen ni Pastor Apollo Quiboloy,” saad ni Hontiveros.
Dagdag pa niya, “Sangkaterba ang EBIDENSYA ng aking opisina na magpapatunay na gawa-gawa lang ang pahayag ngayon ng taong iyan. All witnesses presented during the Quiboloy Senate hearings FREELY and VOLUNTARILY OFFERED their testimonies and the evidence they carried.”
Matatandaang si Hontiveros ang nanguna sa imbestigasyon ng umano’y mga katiwaliang nagaganap sa KOJC sa ilalim ng pamumuno noon ni Quiboloy kabilang na ang sex trafficking operation.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Pastor Apollo Quiboloy saga
Siniguro din ni Hontiveros na magsasampa sila ng kaukulang legal response laban sa mga nasa likod umano ng pagpapakalat ng nasabing video.
“We are preparing our SERIOUS LEGAL RESPONSE against this act of harassment and intimidation. Hindi namin palalampasin ang mga nasa likod ng pananakot na ito,” anang senadora.