Nagpahayag ng agam-agam si Congresswoman-elect Leila de Lima sa aniya’y biglaang paghingi ng Ombudsman ng paliwanag mula sa mga kasong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang radio interview noong Sabado, Hunyo 21, 2025, iginiit ni De Lima na hindi raw imposibleng may ibang pakay ang Ombudsman kaya pinakialaman ang ilang kasong nakapaloob na rin sa impeachment cases ni VP Sara.
“Hindi mawawala sa atin na magduda, magsuspetsa na baka nga ang balak ay baka aaksyunan niya kaagad pag nakuha na, na-submit na yung counter-affidavit at hindi malayo yung idi-dismiss,” saad ni De Lima.
Saad pa ni De Lima, kung sakaling i-dismiss lang ng Ombudsman ang kaso laban sa Pangalawang Pangulo, hindi raw malayong gawin din ito ng impeachment court.
“Kapag i-dismiss yan, necessarily that would have an effect on the impeachment case doon sa trial. Ganoon lang, babanggitin ng defense counsel eh,” ani De Lima.
Matatandaang nananatiling nakabinbin ang impeachment ng Pangalawang Pangulo matapos ibalik ng Senado sa Kamara ang articles of impeachment na inabutan ng pagtatapos ng sesyon ng 19th Congress.
KAUGNAY NA BALITA: Botong 18-5: Sino-sino Senator-judges na aprub, tutol sa mosyon nina Dela Rosa, Cayetano?