Binanatan ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV si Vice President Sara Duterte.
Sa X post kasi ni Trillanes nitong Sabado, Hunyo 21, ibinahagi niya ang video clip ni Duterte kung saan nito sinabi na gusto raw nitong pugutan ng ulo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ito ay matapos ikuwento ng bise presidente sa isang press conference noong Oktubre 2024 ang tungkol sa pagtanggi umano ng pangulo na ibigay ang relo nito sa humirit na estudyante sa dinaluhan nilang graduation ceremony noon.
"I imagine myself cutting his [PBBM] head. Gano'n din ang gusto kong gawin doon sa mga katabi ko. So na-realize ko, toxic na ito," ani Duterte.
Sey tuloy ni Trillanes, “Eto si VP Sara talking about beheading PBBM on national TV. May tama sa utak. She is obviously UNFIT to hold public office.”
Matatandaang ang naturang pahayag ni Duterte ang isa sa mga grounds ng impeachment complaint na inihain laban sa kaniya.
Sa kasalukuyan, nakabinbin pa rin sa Senado ang kaso ng bise presidente. Kamakailan lang ay ibinalik sa Kamara ang Articles of Impeachment upang isertipika umano ng mga kongresista na wala silang nilabag na anoman sa Konstitusyon.
Ngunit sa kabila ng nangyari ay tiniyak naman ng House Prosecution Panel na hahawak sa paglilitis ni Duterte na “active” at “alive” pa rin umano ang kaso.
BASAHIN: Botong 18-5: Sino-sino Senator-judges na aprub, tutol sa mosyon nina Dela Rosa, Cayetano?