Nanindigan si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., na hindi niya iniimpluwensyahan ang nakabinbing impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Sa latest episode ng kaniyang Podcast nitong Sabado, Hunyo 21, 2025, nabanggit niya ang kaniyang posisyon hinggil sa usapin ng impeachment.
Ayon kay PBBM, pinili raw niyang huwag makialam sa impeachment court kahit na may mga Presidenteng maaaring makisasaw dito.
"If a President chooses to do that, I choose not to," anang Pangulo.
Giit pa niya, mas pinagtutuunan daw niya ng usapin ang primaryang kailangan ng taumbayan kung saan niya inuubos ang kaniyang oras.
"That's not my, I'm busy with the transport, with the rice, all of the different things that we are doing, that, that nauubos ang oras ko doon. Put it bluntly. Wala naman akong papel doon sa impeachment eh," ani PBBM.
Matatandaang makailang ulit na ring nilinaw ng Palasyo na matagal na raw ipinaubaya ng Pangulo sa Kamara at Senado ang usapin ng impeachment laban kay VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: 'Wapakels na?' Impeachment kay VP Sara, hinayaan na ni PBBM sa Senado
KAUGNAY NA BALITA: Desisyon ng Senado sa impeachment ni VP Sara, 'huwag isisi kay PBBM!'—Palasyo
Samantala, nananatili namang nakabinbin ang impeachment ng Pangalawang Pangulo matapos ibalik ng Senado sa Kamara ang articles of impeachment na inabutan ng pagtatapos ng sesyon ng 19th Congress.
KAUGNAY NA BALITA: Botong 18-5: Sino-sino Senator-judges na aprub, tutol sa mosyon nina Dela Rosa, Cayetano?