December 14, 2025

Home BALITA Metro

San Juan LGU, may ‘Basaan Zone’ na para sa Wattah Wattah Festival

San Juan LGU, may ‘Basaan Zone’ na para sa Wattah Wattah Festival
MB FILE PHOTOS

Nagtalaga ang San Juan City Government ng mga "Basaan Zone" para sa nalalapit na pagdiriwang ng "Wattah Wattah Festival" sa Hunyo 24 para sa kapistahan ni St. John, The Baptist.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora na ito ay nakasaad sa revised City Ordinance No. 14, Series of 2025.

Layunin aniya ng naturang hakbang na matiyak ang kaayusan at kapayapaan ng naturang okasyon at upang hindi na maulit ang kaguluhang nangyari sa okasyon noong nakaraang taon.

Ayon kay Zamora, sa ilalim ng naturang revised ordinance, ang basaan ay isasagawa lamang sa Pinaglabanan Road, sa pagitan ng P. Guevarra St. at N. Domingo St. sa San Juan, gayundin sa bisinidad ng Pinaglabanan Shrine, mula 7:00 AM hanggang 2:00 PM lamang.

Metro

Misis, sinaksak ng mister sa leeg

Nakatakda rin aniya silang magpakalat ng mahigit 300 pulis sa lugar na siyang magpapanatili ng kaayusan at magmo-monitor sa loob at labas ng designated zone.

“I want to ensure this year’s festivities are peaceful and organized. What happened last year served as a wake-up call,” ayon pa kay Zamora.

“Water-drenching activities will be allowed strictly only from 7:00 AM to 2:00 PM, and only within the designated Water-Drenching Zone or Basaan Zone This includes areas along Pinaglabanan Road, between N. Domingo and P. Guevarra Streets, and the vicinity of the Pinaglabanan Shrine. Water-drenching outside this zone is absolutely prohibited,” aniya.

“Ito lang po ang lugar kung saan puwedeng magbasaan. Everything outside the Basaan Zone, bawal po ang basaan. So, magiging maliwanag sa lahat na kung wala kayo sa Basaan Zone, bawal mangbasa. Kung gusto ninyong makiisa sa ating kapistahan sa pamamagitan ng basaan, dito niyo lang puwedeng gawin ‘yan sa Basaan Zone,” dagdag pa ng alkalde.

Siniguro rin ni Zamora sa publiko na ang mga ayaw lumahok sa basaan ay mananatiling tuyo kung hindi sila papasok sa Basaan Zone.

“Kung kayo naman po ay magpupunta ng San Juan upang makipagbasaan, welcome na welcome po kayo,” aniya pa.

Samantala, nagpaalala rin naman si Zamora na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang paggamit ng maruming tubig sa pambabasa.

Hindi rin aniya pinahihintulutan ang paggamit ng ‘water bombs’ o yaong tubig at yelo na nakalagay sa plastik, bote o anumang lalagyan, na maaaring magresulta sa pananakit o pagkasugat.

Hindi rin pinahihintulutan na buksan ang mga pinto ng sasakyan o pagpasok sa loob ng isang bukas na sasakyan upang mambasa ng tubig, gayundin ang pananakit o pagbabanta, pag-akyat, at pag-uga sa isang sasakyan.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang paggamit ng hindi awtorisadong sasakyan o fire trucks, gayundin ang mga high-pressure water sprayers sa pambabasa, ng walang permiso mula sa city government.

Magpapatupad din naman aniya ang lokal na pamahalaan ng liquor ban sa buong lungsod, mula 12:01AM hanggang 2:00PM ng Hunyo 24.

Alinsunod sa liquor ban, ang pagbebenta at pagkonsumo ng alcoholic beverages sa mga pampublikong lugar, kabilang ang groceries, supermarkets, restaurants, at sari-sari stores, ay mahigpit na ipinagbabawal.

Nagbabala rin si Zamora na ang lahat ng lalabag sa ordinansa ay mahaharap sa P5,000 multa at hanggang 10-araw na pagkakulong.

Kung ang lalabas ay isang menor de edad, sila ay ire-refer sa City Social Welfare and Development Office, at pagmumultahin ang kanilang mga magulang ng P5,000.

Lahat naman umano ng business establishments na lalabag sa liquor ban ay mahaharap rin sa multang P5,000.

"Our ordinance is very clear. Penalties apply to prohibited behavior during the fiesta," dagdag pa ng alkalde.

Ang Hunyo 24, 2025 ay una nang idineklarang special non-working holiday sa San Juan City, alinsunod sa Proclamation No. 929 na inisyu ng Office of the President.