Viral ang Facebook post ng isang netizen matapos niyang "mahiwagahan" sa isang kalsada sa harapan ng mall sa Sangandaan, Caloocan City.
Ayon sa Facebook post ng babaeng netizen na si Zaira Villalobos, Sabado, Hunyo 14, pitong buwan na silang hiwalay ng ex-jowa niya pero hanggang ngayon daw, hindi na naaayos ang sirang kalsada sa nabanggit na harapan ng mall.
"Kelan kaya to matatapos taena 7months na kaming hiwalay ng ex ko hanggang ngayon dika parin tapos," mababasa sa post.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Sa QC na ako nagwowork pero nandiyan pa rin yan hahahaha."
"Ako nga naka-graduate na at lahat, hindi pa rin gawa yan hahaha."
"Wala pa daw gintong nakukuha, baka next year pa"
"1yr na mahigit kameng hiwalay di pa rin Yan tapos. HAHAHAHHAHAHAHAHHAHAHAHA"
"May hinahanap sila .di pa nakukuha yung Yamashita treasure ehh."
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Zaira, sinabi niyang hindi naman daw siya nagrereklamo subalit nagtataka lang sa tagal makumpuni ng nabanggit na kalsada, lalo't back to school na sa Lunes, Hunyo 16.
Gabi ng Sabado, Hunyo 14 daw niya kinuhanan ng larawan ang nabanggit na area.
"Hindi naman nagrereklamo, nagtataka lang kasi ang tagal na talaga no'n do'n," aniya.
"Masyado na abala sa commuters."
"Tapos ngayon magpapasukan ulit ng school."
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang lokal na pamahalaan ng Caloocan City tungkol dito. Bukas ang Balita sa kanilang panig.