Inilatag ng public historian na si Xiao Chua ang ilan sa mga naiambag sa Kongreso ni senatorial aspirant ACT Teachers Rep. France Castro.
Sa isang Facebook post ni Chua kamakailan, sinabi niyang isa umano si Castro sa mga naasahang makapagpasa ng resolusyon na may kinalaman sa pagpapayabong ng kasaysayan.
“Si Teacher France Castro, ang isa sa mga naasahan natin sa Kongreso na makapagpasa ng mga resolusyon upang maalala ang Digmaang-Pilipino at Amerikano at gayundin si Ka Oriang o Gregoria de Jesus,” saad ni Chua.
Dagdag pa niya, “Tumutulong din siya sa paglaban sa disimpormasyon at sa kampanya sa matagumpay na pagbabalik ng Philippine History sa high school. Salamat Teacher France.”
Kaya naman, pinasalamatan ni Castro ang pagkilalang ito ng historyador sa mga nagawa niya.
Aniya, “Maraming salamat po dito Prof. Xiao Chua, kaisa nyo po kami sa laging pagtataguyod at patuloy na paglikha sa kasaysayang bayan sa loob at labas ng Kongreso, sa pananaw at panig ng karaniwang mamamayan.”
Matatandaang noong Hulyo 2022 ay iginiit ni Castro ang pagpapabalik sa pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas sa high school.
MAKI-BALITA: ACT Teachers rep., gustong ipabalik ang pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas sa hayskul
Samantala, batay sa bagong kurikulum sa senior high school na ipapatupad para sa taong panuruang 2025-2026, makikitang kasama ang Philippine history bilang “important subjects” na mananatili sa binagong kurikulum.
MAKI-BALITA: PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?