Nagpaabot ng pasasalamat si senatorial aspirant Atty. Vic Rodriguez sa lahat ng sumuporta at nagtiwala sa kaniyang kandidatura.
Sa kaniyang bukas na liham nitong Sabado, Mayo 10, sinabi ni Rodriguez na kahit kailan ay hindi raw siya nakaramdam ng kasalatan sa loob ng 90 araw na kampanya.
“Tinapos at nakumpleto ko ang 90 araw ng kampanya ng hindi nadama kahit isang saglit na tayo ay salat sa mga bagay na kinakailangan para sa isang matagumpay, organisado at seryosong national campaign,” saad ni Rodriguez.
Dagdag pa niya, “Ito po lahat ay dahil sa inyong tiwala, kumpiyansa at paniniwala sa aking pagkatao at layunin na maging abang lingkod ninyo.Sa lahat ng tumulong, nagsakripisyo, umunawa at sumama sa dakilang layunin ito, MARAMING SALAMAT po!”
Ayon kay Rodriguez, anoman daw ang kahantungan ng halalan sa darating na Mayo 12, habang-buhay umano niyang tatanawin ang kabutihan, pagmamahal, at ginintuang-loob ng mga tagasuporta niya.
Matatandaang naghain ng kandidatura si Rodriguez noong Oktubre sa The Manila Hotel Tent City upang pamunuan umano ang tunay na oposisyon.
Dating executive secretary ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. si Rodriguez ngunit kalaunan ay nagbitiw sa posisyon dahil hindi na raw nito masikmura ang korupsiyon.
MAKI-BALITA: Rodriguez sa pag-alis niya sa Malacañang: 'Hindi ko masikmura ang korupsiyon!'
Pero bago pa ito ay matagal naging abogado at tagapagsalita ng presidente si Rodriguez.