Kasado na ang Police checkpoints sa Western Visayas sa pagsisimula ng tatlong araw na "money ban" sa buong rehiyon na magsisimula ngayong Sabado, Mayo 10, 2025.
Ito ang kauna-unahang implementasyon ng money ban sa nasabing rehiyon.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), ipinagbabawal ang pagbibitbit ng perang aabot ang halaga sa ₱500,000 kasama ng anumang campaign materials.
"The fact alone that you have ₱500,000 coupled with other campaign materials, that's already something and a case can already be initiated against you," anang komisyon.
Samantala, may exempted naman sa naturang money ban ang mga indibidwal na may trabahong direktang may kaugnayan sa paghawak ng mga pera katulad ng cashier at treasurer, ngunit kinakailangan din nilang makapagpakita ng proof of employment.
Kaugnay nito, nakiusap din ang Comelec sa mga partido at kandidato hinggil sa usapin ng pagbabawal sa vote buying.
"We remind our candidates, political parties, including their leaders and supporters, that vote buying is an election offense and not just days before Election Days. But in a money ban, a large amount would already be illegal," anang Comelec.
Tinatayang nasa 68 milyong botante ang boboto para sa National and Local Elections (NLE) sa Mayo 12 kung saan nakatakdang maghalal ng 12 senador, 317 miyembro ng House of Representatives at libo-libong posisyon para sa local positions sa buong bansa.