Iginiit ng labor-leader at senatorial candidate na si Atty. Luke Espiritu na wala umanong pakinabang ang kapwa niya kandidatong si reelectionist Senator Imee Marcos sa masa.
Sa isang Facebook post nitong Sabado, Mayo 10, ibinahagi ni Espiritu ang link ng video ng interview sa kanila ni Boy Abunda, na may pamagat na “The 2025 Senatorial Interviews with Luke Espiritu and Imee Marcos.”
Inihayag ng lider-manggagawa ang kaniyang pagtataka kung bakit daw sila ni Marcos ang pinagtabi sa segment ng interview para sa mga kumakandidato sa pagkasenador sa 2025 midterm elections.
“Hindi namin alam bakit kami pinagtabi ni Tito Boy kay Imee Marcos. Siguro para makita ang kinaibahan ng isang Senador na para sa manggagawa, yung may laman, yung may prinsipyo, yung may nilalatag na direkta-sa-puntong solusyon sa bawat ibabatong tanong, dun sa isang Senador ng Kadiliman na matagal na sa pwesto pero walang laman, walang nagawa, at wala namang solusyon sa problema ng masa,” giit niya.
Pagbibigay-diin pa ni Espiritu, marami na raw siyang nagawa para sa masa, habang si Marcos umano ay wala.
“Si Luke Espiritu, wala pa sa pwesto, daang manggagawa na ang naparegular, libo ang nakinabang sa dagdag-sahod, may napigilang pagsira ng kalikasan sa Cavite, may mga napagtanggol na biktima ng paglabag sa karapatang-pantao,” aniya.
“Si Imee Marcos, walang pakinabang sa masa... Itakwil ang mga pwersa ng Kasamaan at Kadiliman,” saad pa ni Espiritu.
Nakatakdang isagawa ang 2025 midterm elections sa Lunes, Mayo 12, 2025.