Personal na dumalo si Vice President Sara Duterte nitong Biyernes, Mayo 9, sa preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) dahil sa umano’y “kill remark” niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at maging kina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Dumating si Duterte sa opisina ng DOJ dakong 2:00 ng hapon nitong Biyernes para sa imbestigasyon ng DOJ sa reklamong “inciting to sedition at grave threats” na inihain laban sa kaniya ng National Bureau of Investigation (NBI).
Matatandaang noong nakaraang taon ng sabihin ni Duterte sa isang online press briefing na mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito si PBBM, FL Liza at Romualdez.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’
Iginiit naman ng bise presidente kalaunan na hindi umano pagbabanta sa pangulo ang kaniyang mga pahayag, kundi tungkol daw sa pangamba sa kaniyang buhay.
MAKI-BALITA: VP Sara sa ‘assassination threat’ niya vs PBBM: ‘Maliciously taken out of logical context’