Ipinaalala ng Commission on Elections (Comelec) na ipagbabawal ang alak at maging ang sabong sa Linggo, Mayo 11 hanggang Lunes, Mayo 12, araw ng 2025 national and local elections.
"Huwag po muna tayo mag-iinom [ng alak] ng panahong ito. Ipagpaliban na lang po kung hindi man sa bahay na lang kung hindi talaga kayang mapigilan. Bawal na bawal po 'yan. Nagsaya ka nga nakulong ka naman ng anim na taon," saad ni Comelec chairman George Garcia sa isang ambush interview nitong Biyernes, Mayo 9.
"Kahit 'yong pagsasabong kinakailangang matigil muna 'yan dito po sa ating papalapit na halalan," dagdag pa niya.
"So 'yon po ay warning lang para hindi po kayo nagkakaproblema."
Samantala, ang hindi kasama sa ban ang mga hotel, resorts, restaurants, at iba pang establisyimentong akreditado ng Department of Tourism.
"Hotels, resorts, restaurants, and other establishments of the same nature duly certified by the Department of Tourism (DOT) as tourist-oriented and habitually in the business of catering to foreign tourists may be exempted from the liquor ban, provided, they secure prior written authority."