May 08, 2025

Home BALITA Eleksyon

PBBM, hinikayat OFWs na bumoto: ‘Makilahok sa kinabukasan ng ating bayan’

PBBM, hinikayat OFWs na bumoto: ‘Makilahok sa kinabukasan ng ating bayan’
(Courtesy: Pangulong Bongbong Marcos/FB screengrab)

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang overseas Filipino workers (OFWs) na bumoto at makiisa sa 2025 midterm elections.

Sa isang video message nitong Huwebes, Mayo 8, sinabi ni Marcos na nagpapatuloy pa rin ang overseas voting na nagsimula na noong Abril 13, 2025.

"Ito po ang inyong pagkakataon na makilahok sa kinabukasan ng ating bayan. Ngayon, mas madali na ang pagboto. Kahit nasaan kayo sa mundo, hindi na kailangan pumila o bumiyahe,” aniya.

Binanggit din ng pangulo na sa pamamagitan daw ng online voting ay maipapahayag ng OFWs “nang mabilis, ligtas, at maayos” ang kanilang nais na maging mga lider ng bansa.

Eleksyon

PBBM party-list, tuluyan nang diniskwalipika ng Comelec

"Gamitin natin ang karapatang ito. Piliin natin ang kandidatong may malasakit, kakayahan, at may paninindigan," saad ni Marcos.

“Sa tamang pagpili, sama-sama nating bubuuhin ang Bagong Pilipinas," dagdag pa niya.

Maaaring bumoto ang OFWs sa alinmang bahagi ng mundo ng kanilang napupusuang 12 senador at isang party-list hanggang sa Lunes, Mayo 12—ang araw kung kailan din gaganapin ang national at local elections sa Pilipinas.

Mayroong 1.231 milyong botanteng Pilipino na nasa ibang bansa ngayong taon. Maaari raw silang makaboto sa pamamagitan ng mga smartphone, computer/laptop, o tablet.

Matatandaang noong nakaraang eleksyon, maaari lamang bumoto ang mga Pinoy abroad sa pamamagitan ng personal na pagpunta sa mga itinalagang lokasyon sa kanila at sa pamamagitan ng mailed ballots.