Inihayag ng Philippine National Police (PNP)-Aviation Security Group (AVSEGROUP) ang resulta umano ng awtopsiya ng dalawang nasawing biktima dulot ng aksidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Linggo, Mayo 4, 2025.
KAUGNAY NA BALITA: Mga labi ng dalawang nasawi sa aksidente sa NAIA, naiuwi na
Batay sa inilabas na pahayag ng PNP-AVSEGROUP noong Martes, Mayo 6, parehong nagtamo ng blunt-force trauma sa ulo ang 5 taong gulang na batang babae at 29-anyos na lalaki na kanilang ikinasawi.
“Autopsy results confirmed that the 29-year-old victim died due to blunt force trauma to the head and spinal cord; his remains are currently in Hagonoy, Bulacan for his funeral wake. The minor, who also died of blunt force trauma to the head and left lower extremities, is now in Lipa City, Batangas for her wake,” anang PNP-AVSEGROUP.
Nasawi ang dalawang biktima matapos araruhin ng isang SUV ang departure area ng NAIA terminal 1, matapos umanong mataranta ang driver. Nahaharap ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting in two counts of homicide, multiple physical injuries at damage to properties.
Samantala, siniguro naman ng PNP-AVSEGROUP na mabibigyan daw ng hustisya ang sinapit ng mga biktima.
“AVSEGROUP assures the public that justice will be pursued with the full extent of the law. We remain steadfast in our commitment to safeguarding lives and maintaining peace and order within airport premises,” anila.