Top picks para kay “It’s Showtime” host Anne Curtis sina dating Senador Kiko Pangilinan, dating Senador Bam Aquino, dating Commission on Audit (COA) commissioner Heidi Mendoza, at labor-leader Luke Espiritu bilang mga senador, habang ang Akbayan naman ang iboboto niyang party-list sa 2025 midterm elections.
Sa isang Facebook post nitong Martes, Mayo 6, ibinahagi ni Anne ang isang placard kung saan makikita ang larawan ng apat na senatorial candidates.
Nakasaad din sa tapat ng pangalan ng bawat kandidato sa placard ang kanilang pinagtutuunan nilang isunusulong: si Pangilinan para sa agrikultura, si Aquino para sa edukasyon, si Mendoza bilang auditing at anti-corruption crusader, at si Espiritu para sa batas at karapatang-pantao.
“So far, my top picks for senators!!!!” anang actress-host.
Binanggit din naman ni Anne na kulang pa raw ang listahan niya ng mga ibobotong senador sa nalalapit na eleksyon, kaya’t hinikayat niya ang kaniyang followers na ibahagi ang kanilang napupusuang kandidato na posibleng maidagdag para makumpleto ang kaniyang magic 12.
“Kulang pa. kayo? Sino pa [n]asa listahan nyo? At bakit? Would love to hear why! Need to add more to my list!” saad niya.
Para naman sa party-list, hinikayat ni Anne ang publikong iboto ang Akbayan Partylist lalo na raw at first nominee nito si human rights lawyer Chel Diokno.
“Atty Chel Diokno, someone na pwedeng pagkatiwalaan. I have been following his work and walang sawa sya sa pagbigay ng legal knowledge, empowering us Filipinos to know what our rights are,” ani Anne sa hiwalay na Facebook post nito ring Martes.
“Nasa kanya ang tiwala ko. You may also do your research about him! But please was natin gawin TOTGA (the one that got away),” saad pa niya.
Nakatakdang isagawa ang 2025 midterm elections sa darating na Lunes, Mayo 12, na idineklara nang special non-working holiday ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
MAKI-BALITA: PBBM, idedeklarang holiday ang Mayo 12, 2025