April 30, 2025

Home BALITA National

Bulacan VG Alex Castro, nagsalita sa tugon ng Malacañang sa PrimeWater

Bulacan VG Alex Castro, nagsalita sa tugon ng Malacañang sa PrimeWater
Photo courtesy: VG Alex Castro (FB)/PrimeWater/Bongbong Marcos (FB)

Naglabas ng opisyal na pahayag si Bulacan Vice Governor Alex Castro hinggil sa tugon ng Malacañang na imbestigahan ang serbisyo ng PrimeWater sa kanilang lalawigan.

Mababasa sa kaniyang opisyal na pahayag, sa opisyal niyang Facebook page nitong Miyerkules, Abril 30, "Taos-puso po akong nagpapasalamat sa Malacañang sa kanilang agarang pagtugon sa ating panawagan na imbestigahan ang matagal nang kinakaharap na problema sa serbisyo ng PrimeWater dito sa ating Lalawigan ng Bulacan."

"Ito ay isang mahalagang tagumpay para sa bawat Bulakenyong matagal nang nagtitiis sa hindi maayos na serbisyo ng PrimeWater. Isinusulong po natin ang panawagang ito upang matiyak ang pagkakaroon ng malinis at maayos na serbisyo sa tubig," aniya.

Nagpasalamat din si Castro kay Bulacan Governor Daniel Fernando dahil sa suporta at pakikiisa nito sa kanilang panawagan.

National

Nasa 18M graduates ng high school noong 2024, hindi 'functional literate'

"Ipinapaabot ko rin ang aking taos-pusong pasasalamat kay Governor Daniel Fernando sa kanyang buong suporta at pakikiisa. Patunay ito na kapag may pagkakaisa ang mga lokal na lider ng ating lalawigan, mas lumalakas ang tinig ng mga mamamayan."

"Tayo po at ang buong Sangguniang Panlalawigan ay masigasig sa pagtindig at pagsuporta sa kapakanan ng mga Bulakenyo at walang sawang nagsagawa ng mga pagdinig at paulit-ulit na pangangalampag sa PrimeWater upang managot sa kanilang palpak na serbisyo."

"Kamakailan lamang ay nabigyan tayo ng pagkakataon na maipahayag ang ating saloobin sa pambansang antas, dahilan upang tuluyang mabigyang pansin ng Pangulo ang hinaing ng mga mamamayan."

"Makakaasa po ang lahat na patuloy tayong magbabantay at makikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na ang imbestigasyong ito ay magbubunga ng konkretong aksyon at tunay na pagbabago."

"Ito pa lamang po ang simula. Itutuloy natin ang laban para sa karapatan ng bawat Bulakenyo sa makatao at maayos na serbisyo sa tubig," aniya pa.

Sinabi ng Malacañang na paiimbestigahan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang reklamo ng mga parukyano ng PrimeWater dahil sa umano’y mataas na singil sa bill at mababang kalidad ng serbisyo sa ilang mga lugar sa Bulacan.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, sa naganap na press briefing nitong Miyerkules, Abril 30, nanindigan si PBBM na walang puwang sa administrasyon niya ang anumang kakulangan sa serbisyo, lalo't karapatan daw ng publiko ang pagkakaroon ng malinis na access at sapat na suplay ng tubig.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, paiimbestigahan reklamo sa 'kakulangan' sa serbisyo ng PrimeWater