Nanguna sina reelectionist Senador Bong Go at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo sa senatorial survey ng OCTA Research para sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Base sa survey ng OCTA na inilabas nitong Lunes, Abril 28, nag-tie sina Go at Tulfo sa rank 1-2 matapos silang makakuha ng 64.2% at 61.2% voter preference, ayon sa pagkakabanggit.
Nasa rank 3-7 naman ang broadcaster na si Ben Tulfo na may 45.4% voter preference, at rank 3-8 si dating Senate president Tito Sotto na may voter preference na 43.3%.
Pare-parehong nasa rank 3-10 sina reelectionist Senador Bato dela Rosa (40.4%), dating Senador Ping Lacson (39.7%), at reelectionist Senador Pia Cayetano (39.5%); nasa 4-10 si reelectionist Senador Bong Revilla (38.7%), 5-11 si reelectionist Senador Lito Lapid (36.9%), habang 5-14 ang puwesto ni Makati Mayor Abby Binay (35.7%).
Samantala, nasa rank 9-18 si dating Senador Bam Aquino matapos siyang makatanggap ng voter preference na 32.3%, habang pare-parehong nasa rank 10-18 sina Las Pinas Rep. Camille Villar na nakatanggap ng 30.4%, dating Senador Manny Pacquiao na may 30.3%, at dating Senador Kiko Pangilinan na may 30.3%.
Pasok naman sa rank 11-19 sina TV host Willie Revillame (29%), dating Interior secretary Benhur Abalos (28.8%), at ang reelectionists na sina Senador Imee Marcos (27.9%) at Francis Tolentino (27.7%).
Nakasampa naman sa rank 12-20 ang aktor na si Philip Salvador na may 24.4% voter preference.
Isinagawa ang naturang survey mula Abril 10 hanggang 16, 2025 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 mga Pinoy na nasa edad 18 pataas.